Darna Episode 3: August 12

Ni hindi nga matitikman ng batang may ahas sa ulo ang kalinga at pagmamahal ng isang ina. Sa isang pagkakataong umiiyak dahil sa sama ng loob, nasambit nya sa may kweba na sa sobrang pagkamuhi ng ina sa kanya, ni pangalan ay hindi siya binigyan.

“Valentina, yan ang pangalang ipinagkakaloob ko sa iyo,” ang sabi ni Cobra. Natakot ang bata at nagtatakbo.

Madalas siyang magmamatyag sa may bahay-ampunan ngunit takot makipagkaibigan sa mga bata. Naisipan niyang takutin sila Eduardo at Narda sa pamamagitan ni Vibora; kunwari’y aatakihin ang dalawang bata ng ahas at ililigtas niya ito. Nagtagumpay nga siya at naging bukas ang pinto ng bahay-ampunan para sa kanya.

Naging matalik silang magkaibigan ni Narda at siya rin ang kasa-kasama nito noong ampunin ni Dr. Morgan (Ricky Davao) si Eduardo.

Lumipas pa ang panahon at nagdalaga na ang dalawa. Habang suot ang pelukang bigay ni Narda, napagdiskitahan ng mga tambay si Valentina at tinangkang pagsamantalahan. Iniligtas siya ng mga ahas sa ulo na pinatay ang mga lalaking nagtanggka sa kanya.

Sa sobrang takot at pagsisisi, umiyak at nagsumbong si Valentina sa ina ngunit sa halip ay nilibak pa sya. Sa sobrang sama ng loob, di sinasadyang napatay nya rin ang ina.

Darna Episode 2: August 11

Halos wala sa sarili dahil sa pag-iwan ng asawa, naisipan ni Consuelo na bumalik sa kweba at hilingin ang pagbalik ng asawa. Pumayag si Cobra (Paolo Contis) kung may maibibigay siyang alay. Dala ng inggit at pagkawala sa sarili, pinuntahan niya ang kaibigang si *Rita at nagsinungaling na magpapasama sa asawa. Iniaalay niya si *Rita kay Cobra at inihulog ang sanggol sa bangin.

Napulot ng mga masasamang tao ang sanggol pa lang na si Narda at ibinenta sa sindikato. Ipinaalaga sya sa isang matandang miyembro din ng sindikato na ginampanan ni Ms. Odette Khan. Sa sindikato na rin lumaki at nagkakilala ang batang Narda at batang Eduardo (na magiging si Mark Anthony Fernandez paglaki).

Malupit ang sindikato. Minsang balakin ng lider na ibenta si Narda sa mga pedophile, nakaisip ng paraan ang lola (Odette Khan) na patakasin ang mga bata.Nabaril ang lola habang hinaharang ang mga sindikatong umaabot sa mga bata. Binaril din ng lider ng sindikato si Eduardo ngunit humarang si Narda. Tamang pagdating naman ng mga pulis na magdadala kila Narda at Eduardo sa bahay ampunan.

Lumaki na rin ang batang may ahas sa ulo na salat sa pagmamahal ng ina. Sa sobrang pagkamuhi ni Consuelo, ni hindi nya ito pinagkalooban ng pangalan. Tanging ang ahas na si Vibora lang ang kasa-kasama ng bata.

Darna Episode 1

Episode 1: August 10

Pinakita ang magkaibigang hirap magkaroon ng anak; sila Consuelo na ginampanan ni Janice De Belen at ang karakter ni Rita Avila. Habang tapat at mahal na mahal ng karakter ni Jestoni Alarcon ang asawa (Rita Avila), si Hector (John Apacible) naman ay nalululong sa pambabae kung kaya’t madalas malungkot si Consuelo.

Pinakita din ang pinagmulan ng batong balang araw ay magpapa-“Darna” kay Narda (Marian Rivera). Ito pala ay pag-aari ng naunang Darna na ginampanan ni Angel Aquino. Siya din ang magbibigay ng bato kay Rita Avila kasabay ng prediksyong di magtatagal ay magkakaroon siya ng anak. Bagama’t baog, nagluwal nga ng sanggol na babae si Rita. Kasabay ito ng pagluluwal ng sanggol na babae ni Consuelo na walang malay sa tunay na katauhan ng iluluwal.

Ang batang niluwal ni Rita ay siyang magiging Darna sa pagdaan ng panahon habang ang batang iluluwal ni Consuelo ang magiging matalik na kaibigan at malupit na kaaway ni Darna.

Gimbal ang mag-asawang Hector at Consuelo sa hitsura ng sanggol. May mga ahas sa ulo nito. Hindi matandaan ni Consuelo na siya ay pinagsamantalahan ni Cobra, ang hari ng mga ahas, noong siya’y nagpunta sa kweba upang humiling. Dala ng pagkabigla, naisipan ni Hector na sunugin ang kubo at magpakalayo-layo kapiling ang mag-ina. Ngunit di rin magtatagal at di nya matatanggap ang pagkatao ng inakalang anak kaya babalik sya sa masamang bisyo. Dahil dito, lalong kamumuhian ni Consuelo ang bata.