The Haunted: Chapter 11- Ano Kaya?

Bumalik ako sa college house para kumain at maligo. Nagmamadali akong gumayak dahil ayokong abutan ako ni Rupert. Hindi ko sigurado kung seryoso sya nang sabihin nyang sasamahan niya ako sa pagpunta sa SLU pero ayokong ipagwalang-bahala na tototohanin niya.

Nagmamadali akong bumaba ng hagdan. Hindi naman maingay ihakbang ang suot kong puting rubber shoes. Nagpaalam ako kay Dina na may lalakarin lang. Tumango lang siya at sinundan ako ng tingin habang nagmamadali akong nagtungo sa gate. Hindi ko pa halos nahahawakan ang pintuan bukasan ng gate ay naalala kong hindi nga pala ako nakasuot ng jacket. Pahangos akong bumalik sa bahay, nakita ko si Dina na nagtataka pero hindi nag-usisa.

Dinampot ko sa aparador ang puting jacket at isinuot. Dahil sa pagod, normal na hakbang na lang ang ginawa ko habang pababa ng hagdan.

“Ready to go?”

Binaling ko ang ulo ko sa direksyon ng boses. Si Rupert; nakatingin at nakangiti sa akin. Huminto ako sa paglakad at agad na nag-isip ng idadahilan.

“Let’s go?” inunahan niya ako ng tanong.

Nagpauna siya sa paglabas ng front door patungo sa nakaparadang puting Fortuner. Binuksan niya ang pinto at isinenyas na sumakay na ako. Kahit may agam-agam, sumakay na ako at sinara niya ang pinto. Umikot siya para sumakay naman sa driver’s seat. Dalawang beses siyang bumusina nang mahina kay Dina na noon ay nakaabang para magsara ng gate. Matipid naman na ngiti ang sinagot ni Dina.

“Traffic na pala dito ngayon, ano?” panimula ko.

“Yes, matagal na,” matipid naman niyang sagot sabay mabilis na sumulyap sa akin.

Tumingin ako sa paligid at inalala kung ano ba ang itsura nito halos dalawampung taon na ang nakakaraan. Pasulpot-sulpot ang mga ala-ala na kusang nagbabalik, mga ala-alang ayoko ng balikan pagkatapos ng graduation ko.

“May SM na ang Baguio,” pinutol ni Rupert ang paglilibot ng mata ko at paglalayag ng isipan ko. Tumingin ako sa direksyon na tinuro niya at nakita ang malaking istruktura na dating ginagawang paradahan lamang ng ilang provincial busses nung panahon namin.

“Para ngang wala ako sa Baguio, eh. Parang hindi ko nga kailangan ng jacket,”sabi ko.

“Yan nga sana ang itatanong ko eh. Bakit ka naka-jacket eh hindi naman kalamigan. Nasanay ka yata 20 years ago na malamig ang February,”nakangiti niyang tugon.

Saka ko napansin na wala siyang suot na jacket. Kung noon ay kinukubli niya ang payat niyang katawan sa pamamagitan ng pagsusuot ng jacket, ngayon ay tila may pagmamalaki siyang pinapakita ang fitness ng kanyang pangangatawan. Kabaligtaran naman sa akin na tinatago ko ang mga imperfections ko ngayon sa pamamagitan ng pagsusuot ng jacket.

Diniretso niya ang direksyon sa ospital ng SLU at saka doon ipinarada. Mas okey na daw ito kaysa suungin ang mas mahabang trapik kung iikot pa kami ng Bonifacio Street.

“Thank you. Punta na ako sa Registrar’s Office,” nagmamadali akong tinanggal ang seatbelt.

“Teka, teka. Sasamahan kita, di ba?”

“Huwag na, maaabala ka pa,” binuksan ko ang pinto ng kotse at bumaba. Nagsimula din akong maglakad papuntang Assumption Gate. Mabibilis ang hakbang ko palayo. Dineposito ko ang ID ko sa guard at nagsimulang bumaba sa matarik na hagdan.

Nasa kalahatian pa lang ako ng pagbaba ay napagod na ako. Napatigil ako sa spot kung saan sinulat ni Rupert sa bato ang mga pangalan namin noong 1st year college pa lang kami.

“Napagod ka agad?” nagulat pa ako sa boses ni Rupert. Hindi ko inaasahang susunod pa siya. Napatigil siya at napatingin sa batong may nakaukit ang pangalan namin. Malumot ang paligid ng bato liban sa dinaanan ng mga pangalan namin kaya kitang-kita ang pagkakaukit nito.

Walang imik-imik ay sabay naming binaba ang hagdan, marahan at nag-iingat na mahulog. Nadaanan namin ang kumpol na mga estudyante sa Otto Hahn. Naalala ko ang panahong doon ako naghahantay tuwing uwian para sabay kaming umuwi ni Rupert.

“Good morning, Sir Rupert!” ang bati ng dalawang estudyante.

Kumaway naman si Rupert.

“Sikat ka pala dito,” biro ko. Napangiti lang si Rupert.

“What brings you here, Rupert?” sabi ng boses na biglang sumulpot. Napatigil kami sa paglalakad. Si Sir Garcia pala, dating instructor ni Rupert noong college.

“Good morning, Sir. I’m just accompanying a friend,” sagot naman niya sabay akbay sa akin. Bumati din ako ng good morning kay Sir Garcia.

“Friend? More like an ex-girlfriend!” panunukso ni Sir Garcia, namula ako dahil hindi ko inaasahang naaalala niya ako.

Hindi nagsalita si Rupert pero ramdam ko ang tensyon niya. Sino nga naman ba ang magiging handang sagutin kung bakit kami nakitang magkasama.

“Anyway, Sir. I’ll catch up with you later. Sasamahan ko lang si Leona.”

Nalampasan namin ang Otto Hahn Building na tahimik at di nag-uusap. Napansin yata ni Rupert na medyo napahiya ako.

“Ganun lang naman si Sir Garcia di ba?” dumampi ang kamay nya sa balikat ko. Napaatras ako.

Sa Registrar’s Office, pangalawa ako sa pila. Isang student assistant ang kumausap sa akin. Natatawa na hindi makapaniwala ang ekspresyon ng mukha niya.

“Tama po ba, kukuha kayo ng TOR at diploma tapos year 1998 kaya graduate?” tila hindi pa din siya makapaniwala.

“May problema ba?” may pag-aalala sa tanong ko.

Hinawakan ni Rupert ang braso ko at inakay papunta sa loob ng Registrar’s Office.

“Bawal dito, di ba?” ang may pagtutol na sabi ko.

“Hindi tayo matatapos kapag sa labas kayo nag-usap,” binuksan ni Rupert ang pinto at pinaupo ako sa waiting area habang siya namang pasok sa isang cubicle at may kinausap. Tumayo ang matandang babae mula sa kanyang cubicle at sumilip sa direksyon ko. Paglabas ni Rupert ay nakangiti na at saka sinabing balikan namin ang mga dokumento pagkalipas ng isang oras.

“Saan naman tayo pupunta?” tanong ko na medyo may pag-aalinlangan pa.

“Gusto mong kumain?”

“Busog pa ako.”

“Sige sa library na lang?”

“Hintayin ko na lang dito.”

“Makakaabala ka sa iba saka hindi lahat napagbibigyan ng registrar. Remember, walk in lang ang ginawa natin.”

“So sige, magbasa na lang tayo sa library.”

Tinahak namin ang mataas na hagdan ng Charles Vath Library Building. Bumalik ang mga ala-ala ko kung saan kami madalas magtapo ni Rupert tuwing kinakailangan niyang gumamit ng library para sa engineering subjects niya.

“Naaalala mo yung Quirino Hill na madalas mong tanawin noon?” tanong niya.

Tumango ako,”Sa side ng Perfecto ‘yon tanaw na tanaw.”

“Gusto mong puntahan mamaya?”

“Hindi na,” sagot ko. Nawala ang ngiti sa labi ni Rupert.

“Pero dati, gustong-gusto mo yung puntahan, di ba?” paalala niya.

“May mga bagay na napaglilipasan ng panahon. Yung gusto natin noon, baka balewala na sa atin ngayon,” sagot ko.

“Pero nababaligtan din naman minsan. May mga ayaw tayong gawin noon na baka pwede na nating subukan ngayon,” pagkasabi niya ay nagkunwari akong di ko narinig. Dire-diretso ako sa magazine section para magbasa ng mga lumang babasahin at libangin ang sarili ko habang naghahantay sa oras. Si Rupert naman ay nakakita ng kakilala at doon sila nag-usap nang tahimik sa isang sulok. Paminsan-minsan ay pinagmamasdan ko siya at sa unang pagkakataon, sumagi sa isip ko na “ano kaya kung kami ang nagkatuluyan?”

The Haunted: Chapter 8-Mother’s Love

“Christina!”

Hindi na ako nakapag-react agad mula sa yakap na mahigpit sa akin ni Mama Tam, nanay ni Rupert. Sinenyasan ko si Rupert na nahihirapan na akong huminga mula sa mahigpit na pagkakayakap pero ngumiti lang siya at nag-thumbs up sign.

“Di ba, kamukhang-kamukha ni Manang, Ma?”

Bumitiw si Mama Tam mula sa pagkakayapos sa akin at saka tinignan ako mula ulo hanggang paa.

“Parang bumalik mula sa langit. Hija, ikaw ba si Leona?” tanong ni Mama Tam sa akin habang hawak ang dalawa kong kamay.

“Opo, kayo po ang mother ni Rupert? Nice to meet you po,” nahihiya ko namang sabi.

Inakbayan ako ni Mama Tam at saka inaya papuntang sala.

“Leona, pasensya ka na sa excitement ko kanina. Miss na miss ko lang talaga si Christina. Miss na miss ko kahit sampung taon ko nang di nakikita,” nangingilid ang luha sa tsokolateng mga mata ni Mama Tam.

“Nasan na po ba si Christina? I mean, Ate Christina?” tanong ko. Napansin kong napayuko si Rupert.

“Sampung taon na syang wala. Imagine, 10 long years!”

“Ano pong nangyari?”

“Ah, kukuha muna ako ng drinks,” sabi ni Rupert kung kaya’t kami ni Mama Tam ang naiwan sa sala.

“Nakikita mo ba ang litratong ito? Eto ang debut picture ni Christina,” itinuro ni Mama Tam ang naka-frame na litrato ng isang magandang dalaga na nakasuot ng gown na walang strap. May suot din syang guwantes na hanggang siko ang haba. Nakapusod ang buhok niya at maaliwalas ang mukhang nakangiti. Naroon nga ang malaking pagkakahawig namin liban sa ilong ko na higit ang katangusan.

Dumating si Rupert na hawak ang tray ng mga basong may juice. Inilapag niya ito sa mesa at umupo habang nakatingin sa amin.

“Iyan ang dahilan kung bakit maagang nawala si Christina,”nakatingin si Mama Tam sa direksyon ni Rupert. Napayuko naman si Rupert sa di inaasahang atensyon.

“Nakita naming nalulunod si Rupert noong walong taong gulang pa lang siya. Ilang araw lang ang outing namin matapos ang debut ni Christina. Kung bakit naisipan ng batang ito na tumalon sa bangkang sinasakyan namin. Dahil sa labis na pag-aalala, tumalon si Christina para sagipin si Rupert. Naisalba naman niya ang buhay ng kapatid pero nang paakyat na siya sa katig ay saka naman humampas ang malaking alon. Sinikap siyang hanapin ng bangkero pero pagkalipas pa nang tatlong araw bago natagpuan. Yan ang masakit na kwento sa buhay ni Christina,” paglalahad ni Mama Tam na tuluyan nang pumatak ang luha.

“Leona. Leona, are you okay?”

Napadilat ako at nasa harapan ko si Rupert. Naglalaban ang matinding antok at kagustuhan kong magising kung kaya’t para pa din akong nananaginip habang niyuyugyog niya ang balikat ko. Pinilit kong idilat ang aking mga mata at tinignan ang paligid. Naroon ako sa kwarto ni Rupert. Wala si Mama Tam na isang panaginip lang na bumalik sa akin.

“Matagal ba akong nawalan ng malay?” tanong ko kay Rupert.

“No, 10 minutes lang. Dumilat ka ng konti kani-kanina pagkatapos ay pumikit din kaya naisip kong pagpahingahin ka muna. Namumutla ka,” sabi ni Rupert habang nakatayo at nakatingin sa akin.

Tumayo ako at hinanap ang running shoes ko. Itinuro ni Rupert na nilagay niya sa shoe rack. Dire-diretso akong nagpunta sa shoe rack na parang walang nagbago sa pwesto ng mga kasangkapan sa bahay. Sa sala, napadaan ako sa malaking litrato ni Ate Christina at hindi ko maiwasang makaramdam ng panlalamig ng kamay dahil kahit lampas tatlong dekada na siyang wala, buhay na buhay sa isip at puso namin ang buo niyang pagkatao.

San Rafael River Adventure Glass Cottage

Glass Cottage

If you want to take a break from the busy city, why don’t you try to have an overnight stay at the San Rafael River Adventure? San Rafael is a municipality in Bulacan that boasts a picturesque view of the river where you can do some water activities like kayaking and banana boating. Not afraid of the heights? Then you can try the gigantic swing.

You can simply walk around and enjoy the freshness of the air or ride on the rented APV. You can either enjoy your coffee from Barra El Rio while looking at the river or wait until the sun sets to order your favorite wine. You can swim in the deep infinity pool or just enjoy a dip at the kiddie pool.

The cottages are unique and have an “into the woods” feel especially at night. Our cottage can accommodate up to 8 people. Please refer to the youtube video that I posted; the rest of the videos are in the same channel.

The Haunted: Chapter 6-First Meeting

“Good morning. Magja-jogging lang ako,” bati ko kay Dina. Nasa kusina sya at nagluluto nang agahan.

Tumango lang siya at tahimik na sumunod sa akin para ikandado ang gate. Nag-warm up muna ako sa harap ng gate saka tumahak sa kanan para simulan ang jogging. Parang nakita ko ang batang bersyon ng sarili ko na nagja-jogging kasama ang mga housemates ko.

Lima kaming magkakasama sa college house, pang-anim ang caretaker. Ang pinakamatanda sa amin ay sila Marie at Joy. Graduating na sila habang kami ni Jenny ay freshman pa lamang. Matanda naman ng isang taon sa amin si Clara. Dahil magkaedaran kami ni Jenny, kami lagi ang magkasama hanggang sa jogging. Sila Marie at Joy naman ang hindi mo mapaghihiwalay. Si Clara ang pambalanse sa amin dahil neutral sya lagi sa grupo. Madali din para kay Clara na makisama sa mas nakatatanda sa kanya at sa aming mas bata. Yun nga lang, kapag lima kaming lumalabas, medyo naa-out of place siya dahil siya lang ang walang ka-partner kasi nga ay nauunang magkasabay sila Marie at Joy at kami naman ni Jenny ang nasa huli. Si Clara ang nasa gitna palagi at nag-iisa.

Nadaanan ko ang malaking bahay nila Mrs. Reyes na iba na ang disenyo ngayon. Tumigil ako at sinilip ang malawak na hardin na dati ay may slide at swing. Kumahol ang aso kung kaya’t dumungaw ang nakatira para tignan ang kinakahulan. Hindi ko makilala ang nakatira kaya’t nagpatuloy na lang ako sa pagja-jogging. Sa kurbada kung saan may malaking bato na pwedeng upuan, nagbalik ang ibang mga ala-ala ko noong mga unang taon ko sa Baguio. Tumigil ako at umupo. Naaalala ko na dalawampu’t tatlong taon na ang lumipas, dito din ako umupo para magpahinga nang matapilok ako sa pagja-jogging.

“Dito muna ako, sige mag-jogging pa kayo. Balikan niyo na lang ako,” ang sabi ko sa grupo.

Noong una ay ayaw pumayag ni Jenny na iwanan ako pero sinabi kong okey lang ako at nagpapahupa lang ng sakit. Habang papalayo sila, tinanggal ko ang sapatos ko at sinimulang hilutin ang kanang bukung-bukong.

“Bakit iniwan ka nila?”

Mula sa pagkakayuko ay tinignan ko ang pinagmulan ng boses. Isang teenager na siguro ay kaedaran ko na nakasakay sa bisikleta ang huminto para mag-usisa sa akin. Saglit akong napatitig sa mukha niya na tila Adonis na nagsisimulang umusbong. Hinawi ko ang buhok ko, na-conscious ako sa hitsura ko.

“Na-sprain yata ako kaya nagpahinga muna ako. Babalikan naman nila ako maybe after twenty minutes,” sagot ko.

Bumaba nang bike ang lalaki at lumuhod.

“Pwede ko bang i-check kung masakit? Kung sobrang sakit o tolerable pain ba?” nakatingala niyang tanong sa akin.

“Huwag na. Okay lang ako.”

“Titignan ko lang. Madalas din akong ma-sprain kaya nga mas gusto kong mag-bike na lang.”

Hinawakan niya ang paa ko at dulo ng binti. Kinapa ang bukung-bukong at marahang hinilot. Napakislot ako sa sakit.

Umupo siya sa tabi ko at nagsalita,”Sasamahan na lang kita hanggang makabalik sila. Ako nga pala si Rupert.”

“Leona.”

“Bago lang kayo sa bahay ni Auntie Yumi?”

“Paano mo naman nalaman?”

“Ikaw yata ang nakita kong nakatayo sa attic nila. Siguro last week of May ‘yun.”

Naaalala kong may nakita din akong nakatayo sa harap ng gate. Kung ganun ay siya pala ang nakita ko.

“Siguro nga. Rupert, salamat sa pagbabantay sa akin, eto na ang mga kasama ko. Uuwi na kami,” sabi ko habang nagpupumilit tumayo.

Nakipagkilala si Rupert sa mga kasama ko sa bahay. Nagpasalamat si Marie sa pagbabantay ni Rupert sa akin.

“See you around, Rupert. Uuwi na kami,” sabi ni Marie.

Iika-ika akong naglakad habang ginawang tungkod si Jenny na tawa nang tawa. Paglingon ko ay naroon si Rupert na nakangiti sa likod namin.

“Angkas na. Nasasaktan ka yatang maglakad,” pabiro niyang sabi.

“Huwag na. Baka hinahanap ka na ng parents mo,” nahihiya kong sagot.

“Magkapitbahay lang tayo,” nakangiti nyang sagot.

“Sure ka?”

“Wen, manang.”

Inalalayan ako ni Jenny na umangkas sa harap na bar ng bisikleta. Nakakailang andar pa lang ay pumreno na si Rupert.

“Ang bigat mo pala.”

“Ah sige, maglalakad na lang ako.”

“Joke lang, ito naman.”

Ilang metro na ang layo ng mga kasama ko mula sa amin. Mabagal namang pinatakbo ni Rupert ang bisikleta.

“First time mo?”tanong nya.

“Oo, hindi ako sumasakay sa bike,”sagot ko.

“I mean, sa Baguio. Di ba hinatid ka ng parents mo nung last week of May?”pagtatama niya.

“Paano mo naman nalaman?””nagtataka kong tanong.

“Di ba nga, nasa attic ka?”

Sa pangalawang pagkakataon ay nasiguro kong nakamasid sya sa akin bago ko pa man siya nakilala. Kung isang pagkakataon lang na nakita niya akong natapilok at nakaupo sa tabing kalsada ay hindi ko alam. Malayo na ang agwat namin ng mga kasama ko sa bahay. Pakiramdam ko ay ang bagal ng mundo kapag kasama ko si Rupert. Hindi ko inaasahang sa unang pagkakataon ay titibok ang pihikan kong puso.