The Haunted: Chapter 9- Ate Linda

“Saan ka pupunta?” pigil ni Rupert sa akin, hawak ang aking kaliwang braso.

Napatingin ako sa pagkakahawak niya. Bumitiw siya sa akin.

“Uuwi. May hinahabol akong schedule,”dumiretso ako papuntang front door. Naririnig ko ang yabag niya, sinusundan niya ako.

“Baka gusto mo munang mag-breakfast dito?” tanong niya. Hinawakan ko ang doorknob at pinaikot.

“Thank you na lang,” sagot kong hindi pa din siya nililingon.

“Teka teka teka….!”

Pagtingin ko ay nasa harapan ko na siya. Alangang inis at alangang nakangiti ang ekspresyon ng mukha niya. Binaling ko sa iba ang paningin ko. Oo, nako-conscious ako.

“Ikaw itong bigla-biglang papasok sa property ko habang nananahimik ako. Tapos ikaw din itong may ganang umalis na ganun-ganun na lang? Sanay na sanay ka talagang umalis kapag nasusukol na, ano?”nakapamewang nyang sabi sa akin. Kung nagbibiro siya, may kurot ng katotohanan ang biro niya.

Fight or flight—ako daw ang tipo ng taong aalis na lang kung palagay kong hindi na ako kumportable sa sitwasyon. Hindi daw ako ang tipo na ipaglalaban ang sinuman o anuman dahil mas importante sa akin ang pansariling kaligayahan.

October 1994, hindi ko pa masabing opisyal ang relasyon namin ni Rupert. Hindi kami dumaan sa normal na ligawan. Simula nang makilala ko si Mama Tam, naging mas malapit kami ni Rupert dahil panay din akong naiimbitang kumain ng hapunan sa bahay nila. Siguro, dala ng matinding homesickness, naging paraan ko din ang pagiging malapit sa kanilang pamilya. Konserbatibo ang pamilya ni Rupert. Alam kong gusto nila ako pero hindi kami malayang nakakapagpahayag ng damdamin sa isa’t-isa ni Rupert habang naroon kami sa malawak na sulok ng kanilang bahay. Bilang mga bata pa noon, dumating kami sa punto na naging hamon sa amin ang lihim na pagkikita noon. Nagpapaalam si Rupert na mag-o-overnight sa bahay ng pinakamatalik niyang kaibigan para sa isang group study pero sa college house uuwi ng bandang alas-dose ng gabi. Nagagawa lang namin ito tuwing Sabado ng gabi kung kailan umuuwi sa La Union si Jenny at habang nag-o-overnight naman sa ibang bahay sila Marie at Joy. Wala akong problema kay Clara dahil kahit minsan ay hindi niya ako nilaglag.

“Okay talaga dito sa kama ni Jenny,”sabi ni Rupert habang bahagyang inaalog pataas-baba ang kutson.

“Para lang tayong nagka-camping lagi, di ba?” sagot ko naman.

Inosenteng kabataan. Kung tutuusin ay wala naman kaming ginawang malisyoso, gusto lang namin ang presensya ng bawat isa.

“Isasara ko muna ang pinto.”

“Ahhhhhhhh!”

Pareho kaming natigilan ni Rupert. Nasa harap namin si Ate Linda na nagulat sa aming dalawa. Nang mahimasmasan ay bumakas ang galit sa mukha niya.

“Rupert? Ano’ng ginagawa mo sa kwarto ni Leona?” tanong niya. Nanginginig ang mga kamay niya sa galit.

“Ate Linda, wala po kaming ginagawa ni Rupert….” ang mahina kong tugon.

“Leona! Masisisante ako sa trabaho sa pinagagagawa mo! Rupert, makakarating ito sa mama mo,” may pagbabanta sa boses ni Ate Linda habang mabilis ang mga hakbang niya pababa.

“Ate Linda, please naman po, wag na ninyo kaming i-report ni Rupert,” naiiyak kong sabi.

Mas mabilis ang pagbaba ni Rupert sa malapad na hagdan at saka humarang sa telepono.

“Manang Linda…please po. Yung bayad sa renta ni Leona, kahit hindi ninyo ibinigay kay Auntie Yumi, hindi naman niya kayo isinumbong at inako pa niya na sya ang naging cause of delay. So bakit hindi ninyo maibalik ang pabor sa amin ngayon?”

Natigilan si Ate Linda at saka humarap sa akin.

“Leona? Di ba pinag-usapan na natin yan? Nagkasakit ang anak ko kaya nagastos ko muna ang pera. Ibabalik ko ito sa katapusan,” paniniyak ni Ate Linda.

Nakita ko ang pangamba sa mga mata niya. Nagkaroon ako ng lakas ng loob na sitahin siya. Tahimik lamang si Rupert na nakamasid sa palitan namin ng salita ni Ate Linda.

Ring… Ring….

Napatingin kami ni Ate Linda sa telepono. Nagmamadali siyang sinagot ito.

“Ma’am Yumi, buti po ay napatawag kayo sa dis-oras ng gabi na ito….” hindi na natapos ni Ate Linda ang salita at saka niya marahang ibinaba ang telepono at napaupo.

“Ate Linda? Bakit po? Ano ang nangyari?” tanong ko ng may pag-aalala.

Umiling lamang si Ate Linda at saka umiyak nang umiyak. Nagpaalam naman si Rupert na uuwi na. Napatingin ako sa hagdan at nakita kong nakaupo si Clara na malamang ay nabulabog dahil sa sigawan at komosyon.

Kinabukasan ay sinundo ako ng Papa ko para sa semestral break. Hindi ako iniimik ni Ate Linda maliban na lamang kung naroon ang Papa ko. Hinatid niya pa din ang maleta ko sa kotse at saka kumaway na may malungkot na mga mata. Hindi ko maintindihan ang mga nangyari kung bakit nagkaganito ang pagsasama namin ni Ate Linda. Basta alam kong alam ni Clara na malaki ang kinalaman ko kung anuman ito dahil sa nahuli ako ni Ate Linda na nagpapasok ng lalaki sa kwarto—bagay na mariing pinagbabawal ni Auntie Yumi sa aming lahat.

The Haunted: Chapter 7- You’re Not Welcome Here

Pauwi na ako mula sa pagdya-jogging nang di ko mapigilang tumingin sa direksyon ng bahay nila Rupert. Mula sa kinatatayuan ko ay tanaw na tanaw ang bintana ng kuwarto sa ikalawang palapag ng college house. Ito ang kwarto nila Clara, Marie at Joy. Kumabog nang husto ang dibdib ko ang masilip ko ang malawak na bakuran na may nakahilerang mga pine tree. Napalilibutan na ng mga yellowbell ang bakod. Mukhang maayos namang naaalagaan ang bermuda grass na lalong nagpatingkad sa ganda ng hardin. Hindi nasisilip ang buong bahay mula sa gate dahil nakukublihan ito ng mga punong hindi naman katangkaran.

Matagal nang may remote control ang front gate nila Rupert. Kumbaga ay hindi pa gaanong uso ay mayroon na sila. Kung nagluluko ang remote, may passcode namang pipindutin sa tagong bahagi ng bakod. Lagusan din ang bahay nila sa kabilang kalsada. Sa back gate kami dumaraan kapag kailangang ilabas o ipasok ang mga sasakyan dahil ang garahe ay nasa likurang bahagi ng bahay. Mataas ang back gate at mahirap akyatin, kabaligtaran naman ng front gate na ang tanging seguridad ay ang passcode at remote-controlled na gate.

Alam ko ang passcode ng front gate dahil madalas naman ako sa bahay nila. Sinubukan kong pindutin ang apat na numerong natatandaan ko. Nakahanda akong tumakbo kung mali ang napindot ko dahil tiyak na mag-aalarm ito mula sa bahay.

“0525,” nanlalamig kong pinindot ang keypad.

Tik… hindi ako makapaniwalang ilang dekadang hindi pinalitan ang passcode. Dahan-dahang bumukas ang front gate at natambad ako sa malawak na lupang sumalubong sa akin. Bagama’t nagdadalawang-isip ay tinapangan ko ang loob ko at marahang lumakad papasok.

“Crack!”

Natapakan ko ang isang piraso ng pine cone. Maraming pine cone ang nalaglag at nagmistulang disenyo.

Tug…tug…tug… habang papalapit ako ay lumilinaw ang tunog na naririnig ko. Pilit kong inalala ang tunog kung saan nagmumula ngunit wala akong maaalala. Ang kahuli-hulihang tunog na tumatak sa akin hanggang ngayon ay ang malakas na sigaw na pinakawalan ni Rupert habang nagmamadali akong tumakbong pabalik sa college house.

Malamig na malamig ang aking mga palad habang papalapit nang papalapit sa tunog. Huminto ako at pinalibot ang aking mga mata sa malaking bahay na tanaw na tanaw ko na ngayon. Halos walang nabago sa bahay sa labing-walong taong hindi ko ito nakita. Ang tatsulok na bubong nito ay buong-buo pa at parang hindi naluluma. Puting-puti pa din ang haligi ng bahay. Ang nawala na lang ay ang tumba-tumba sa terrace ng bahay na pinaglalaruan ko noong madalas pa akong magpunta.

Tug..tug.. tug… lalong lumalakas ang tunog na nanggagaling sa likurang bahagi ng bakuran. Lumakad ako at nakita ko ang nakahubad na lalaking nakatalikod. Nag-alala akong makita niya dahil trespassing ang ginawa ko. Sa pagmamadali kong makabalik sa front gate ay nagkamali ako ng hakbang at nadulas.

“AYYYYY!” pasalampak kong upo sa porch.

Pagtingin ko sa harap ko ay nakita ko ang palakol na hawak ng lalaki. Nanginginig akong tumingin pataas at para akong nabuhusan ng malamig na tubig.

“Leona? Ano’ng ginagawa mo dito?” hindi ko mawari kung galit o nagulat lang si Rupert.

Halos hindi ako makatayo dahil sa sakit kaya’t binuhat niya ako. Hindi ako makapagsalita hanggang sa inupo nya ako sa garden chair na nasa likod na bahagi ng bahay kung saan kami nagba-barbecue noon.

Nakatayo naman si Rupert at hinatak ang puting T-shirt sa isang garden chair. Hindi ko maiwasang tignan ang malaking pagbabago sa kanyang katawan mula sa payat na teenager na nakilala ko hanggang sa pagkakaroon ng matipunong katawan ngayon. Naaalala kong pawisan nga pala ako ngayon dahil sa pagdya-jogging. Hindi ko alam kung nahiya ba ako na ganito ang hitsura ko sa muli naming pagkikita.

“Hindi ka nagsabing dadalaw ka. Paano ka nga pala nakapasok?”

“Yung… passcode.”

“Ah, hindi ko pinalitan,” napangiti siya.

“I just tried… nag-jogging lang ako tapos nadaanan ko ito. Sige, aalis na ako. Wala na yung sakit sa pagkakadulas,” pinilit kong tumayo.

Lumapit si Rupert at hinawakan ako sa kanang braso, “Gusto mong ihatid kita ng bike?”

Napangiti ako. Naaalala niya ang unang pagkakataong nagkakilala kami. Ganun pa man ay napalitan ito ng matinding pagkatakot nang makita ko si Mama Tam na nakatingin sa amin at nanlilisik ang mga mata. Pagod, gutom at matinding takot—hindi ko na namalayang nawalan na pala ako ng malay. Maling-mali yata ang pagbabalik ko sa malaking bahay dahil hindi ko pa din kayang harapin ang multo na sinusundan ako sa loob ng labing-walong taon.

The Haunted: Chapter 5-Apparition?

Ring…ring…

Nagising ako mula sa pagkakaidlip. Dali-dali kong kinuha ang cellphone ko sa kulay rosas na lamp shade table na kadikit ng higaan ko. Inilagay ko sa speaker mode ang cellphone.

“Hello?”

“Hello, Mom? Asan ka na ba at hindi ka man lang nag-text sa amin?”

Hindi agad ako nakasagot dahil napansin kong nasa may pintuan si Dina.

“Isasara ko lang ho sana ang pinto,” iyon lamang at marahan niyang isinara ang pinto.

“Mom?” ang medyo painis na sabi ni Kate sa kabilang linya.

“Okay naman ako. Napagod lang kaya naidlip saglit. Kumusta kayo diyan?” tanong ko habang bitbit ang cellphone. Tumayo ako at naglakad papuntang kabilang partisyon ng attic. Inilapag ko ang cellphone sa coffee table na malapit sa malalaking bintanang gawa sa salamin. Tanaw na tanaw mula dito ang mga sasakyang paroo’t-parito sa South Drive.

“Well, at least we know that you’re okay…uminom ka ba ng gamot mo?” may pag-aalala sa boses ni Kate.

“Maya-maya pa ang kasunod. I am functioning well, don’t worry. Asan pala ang daddy mo?” tanong ko.

“Ayun, nasa kitchen at nagluluto. Nakalista na ang kakainin namin for the whole week,” sagot ni Kate.

“Good for you, kaya ninyo naman pala nang wala ako eh,” pabiro kong sagot.

“How’s Baguio pala, Mom? Malamig ba ngayon?” may excitement sa boses ni Kate.

Sinipat ko ang labas at tinignan kung may namumuo bang fog. Manipis na fog ang nakita ko. Malamig ang panahon kumpara sa Quezon City pero mas malamig ang panahon noong unang beses kong marating ang Baguio noong 1994.

“Tolerable coldness lang. Mas malamig noon,” kaswal na sagot ko.

Naputol ang konsentrasyon ko sa pag-uusap namin nang mapansin kong may taong nakatingin sa akin mula sa gate. Pinipilit kong maaninag ang mukha niya pero tila dinaraya ako ng aking paningin na blangko ang mukhang nakikita ko. Gumapang ang kaunting kilabot sa aking katawan. Pinikit ko ang mga mata ko at idinilat kung naroroon pa ang taong nakatingin. Sa pagkakataong ito ay nakahawak ang dalawang kamay niya sa grills ng gate. Naka-itim siyang kasuotan mula sa jacket hanggang sa sapatos.

“Kate, tatawagin ko lang ang caretaker. I am not sure pero parang may tao sa gate,” paalam ko kay Kate saka ibinaba ang cellphone.

Humahangos akong bumaba ng hagdan para hanapin si Dina. Tinawag ko din ang pangalan niya. Napansin kong nakabukas ang back door. Lumabas ako at tama nga na nasa backyard si Dina at nagdidilig ng mga halaman.

“Dina, may nakita akong taong nakatayo sa gate. May inaasahan ka bang delivery?”

Napakunot ng noo si Dina, “Wala naman po.”

“Sigurado ka ba? Nakita ko sya. Tara at baka naroon pa,” hinawakan ko sa bisig si Dina para kumbinsihing sumama sa akin.

Inilapag ni Dina ang hose at sumama sa akin paikot sa front yard.

“Wala naman pong tao,” ang matabang niyang sabi.

“Baka nainip at umalis na. Kitang-kita ko sya habang kausap ko si Kate,” sagot ko.

“Anak nyo po si Kate?” tanong ni Dina.

“Yes, my only child,” sagot ko. Naglakad ako papuntang upuan sa hardin.

“Ah, kaya po pala parang malakas ang loob na kausapin kayo,” ang tugon ni Dina habang paiwas ang tingin sa akin.

“What do you mean?” clueless ako sa gusto niyang tumbukin.

“Kanina po, nung isasara ko ang pinto ng kwarto ninyo ay narinig kong nag-uusap kayo. Parang magkabarkada lang kayo kung makipag-usap sa inyo si Kate,” ang walang pag-aalinlangan niyang sabi.

“Well, dahil ba sa hindi sya nagpo-po at opo sa akin? Siguro nga na for a long time ay naging parang magbarkada lang kami dahil bata akong nag-asawa. Pero sa daddy niya ay nagpo-po at opo naman siya,” nakangiti kong sagot.

“Hindi po ba’t mas weird iyon na sa tatay niya lang siya may pagkatakot o pagkailang samantalang halos magkaedad lang naman yata kayo ng husband ninyo?”tanong ni Dina.

Napatigil ako. Bakit nga ba naging ganun ang set-up namin sa bahay? Hindi ko pinansin ang puna ni Dina dahil naglalaro pa din sa isip ko ang nakita kong pigura ng tao. Posible kayang si Rupert ang nakita ko kanina? Ngunit kung siya man, bakit hindi sya kumatok o pumasok? Ipinikit ko ang mga mata ko at tinangkang alisin sa isip ang mga agam-agam. Pagdilat ko ay mag-isa na lang ako sa hardin. Nababalutan na din ng makapal na hamog ang mga tuktok ng pine tree. Lumalamig na ang paligid kasabay sa pagsapit ng dapit-hapon. Tumayo ako at pumasok para iwasan ang papalamig na gabi.

The Haunted: Chapter 4-Start of Yesterday

Makapigil-hininga ako habang nakatayo sa harapan ng malaking bahay na tinuluyan ko noong nag-aaral pa ako. College house ang tawag naming magkakabahay noon.

“Inaasahan ba talaga nila ang pagdating ko?” natanong ko na lang sa aking sarili.

Hindi gaya noong 1994, marami nang sasakyang dumaraan sa harap ng college house. May isang taxing huminto saglit at inakalang pasakay ako. Umiling lamang ako at sinubukang tawagan ang numero ng katiwala.

Ring…ring… walang sagot.

Hinatak ko ang maleta ko palayo, desidido na akong mag-hotel na lang. Pero sa isang iglap ay naaalala ko ang sikretong doorbell na pinindot ko noong unang beses akong makarating sa college house. Bumalik ako, kinapa ang maliit na lagusan ng kamay sa gate at saka hinanap ang doorbell.

Ding…dong…nadinig ko ang mahinang tunog mula sa loob ng bahay. Bumukas ang front door at lumabas ang isang babaeng nasa bente-singko anyos. Humahangos na sumalubong sa akin habang hawak-hawak ang susi sa kanang kamay. Walang tingin-tingin sa aking pinagbuksan ako ng pinto.

“Good afternoon, ako si Leona. Ikaw ba si Dina?” nakangiti kong bati.

Malilikot ang mga mata ni Dina na tila di mapakali. Tumango lamang ito at isinara ulit ang gate. Hinatak ko ang maleta papasok sa bahay.

“Wala pa ring pagbabago ang bahay na ito, ah, ” nakaramdam ako ng kaunting pagkalungkot dahil alam kong hindi na mauulit ang masasayang ala-ala ko dito.

Hindi kumibo si Dina. Sa halip ay dumiretso sya sa kusina at may kung anong pinagkaabalahan. Pagbalik nya ay may dala siyang isang tasang tsokolateng inumin at mga suman. Nagulat ako ng kaunti dahil hindi ko inasahan ang pagmamalasakit niya kahit parang hindi ako welcome.

“Thank you, Dina. Mangan tayon?”

Nakitaan ko ng matipid na ngiti si Dina saka tumalikod at umakyat ng hagdan. Nagpahinga naman ako habang kinakain ang hinandang merienda. Hindi ako makapaniwalang naririto ulit ako. Ang antigong grandfather’s clock ay naroon pa rin sa gawing kanan ng bahay. Dinig na dinig ang bawat ikot ng kamay ng orasan dahil na rin sa napakatahimik na bahay. Naroon pa din ang mga etnikong disenyo na lalong nagpatingkad sa karakter ng sala. Papalapit na sana ako sa dako ng mga larawan nang may tumapik sa balikat ko.

“Iaakyat ko na po ang maleta,” ang mahinang sabi ni Dina habang nakatingin sa maleta.

“Sure, no problem. Mabigat nga lang yan ng konti. You know, one week akong nandito,” ang nakangiti kong sagot.

Hindi umimik si Dina. Sa halip ay buong lakas na binuhat ang maleta paakyat ng hagdan. Sumunod naman ako dahil hindi ko alam kung saang kwarto ako tutuloy.

Matibay pa rin ang mahogany na hagdan. Wala ang inaasahang langitngit habang tumatanda ang bahay. Nilampasan ni Dina ang mga kwarto sa ikalawang palapag. Tumibok ng bahagya ang puso ko nang makita kong sa attic siya papunta.

“Napakalaki naman ng bahay kung sa attic pa ako tutuloy. Saan ka nga pala natutulog?” pabiro kong tanong.

“Bakit, takot ba kayo sa multo?” balik-tanong ni Dina.

“Multo? Pati ba ikaw ay naniniwala sa ganun?”

“Sabagay po, mas katakutan daw dapat ang buhay kaysa sa patay,” ang diretsong sagot niya.

Natigilan ako sa sinabi niya. Ano ba ang alam niya sa buhay ko para isiping may dapat akong katakutan. Natawa ako sa sarili ko dahil masyado kong binibigyang-kahulugan ang sinasabi niya.

“Welcome to your old room, Manang,” ang sabi ni Dina habang hawak ang bukas na pinto ng kwarto.

Walang kibo-kibo ay pumasok ako at sinipat ang kwartong naging bahagi ng apat na taon kong buhay sa college house. Nagsisikip ang dibdib ko sa dami ng emosyong nararamdaman ko. Maayos na maayos pa din ang kalagayan ng kwarto. Kulang na lamang ay makita kong nakahilata si Jenny sa kabilang kama habang nagbabasa ng songhits at kumakanta.

“Teka nga pala… paano mo nalamang kwarto ko ito noon? Sinabi ba ni Tita Yumi?” tanong ko kay Dina.

“Nabanggit lang po ng Auntie Martha ko,” hindi makatingin sa akin si Dina.

“Auntie mo si Ms. Martha?”

Tumango si Dina.

“Kumusta na siya?”

“Mas maayos po kaysa nung na-stroke siya limang taon na ang nakalilipas.”

“I’m sorry to hear that. Kaya pala ikaw ang pumalit sa kanya.”

“Ah, isang taon pa lang ako dito,” lumabas si Dina at nagsimulang humakbang pababa.

Pagsara ko ng pinto ay napagtanto kong may mali sa kwento ni Dina. Ayon sa kaalaman ko ay itinigil ni Tita Yumi ang pagpapaupa ng bahay niya sa may estudyante noong makatapos ako ng kolehiyo nung 1998. Umalis si Ms. Linda noong 1995 dahil sa matinding hindi namin pagkakaunawaan. Pumalit si Ms. Martha mula 1995 hanggang 2012 ngunit 2016 lang naging caretaker si Dina.

Una, sino ang naging caretaker mula 2013 hanggang 2015 at pangalawa, papaanong nalaman ni Dina kung saan ang aking kwarto kung sa palagay ko ay hirap magsalita si Ms. Martha?

Pinagpalagay kong madalas pa din nila akong pag-usapan kahit matagal na panahon na akong wala sa South Drive. At sa mga pag-uusap nila na yun ay malamang kaysa hindi na puno ng pagkainis sa akin dahil sa mga away-batang nangyari dalawang dekada na ang nagdaan. Naisip kong kaya nagkakaganoon si Dina sa akin ay dahil na din sa mga usap-usapang hindi naging pabor sa akin. Sa halip na sitahin siya sa mga alanganin niyang mga sagot at kilos, huminga na lang ako ng malalim para mabawasan ang inis ko sa kanya.

The Haunted- Chapter 2: Devotion

February 4, 2017.

Nagising akong medyo masakit pa ang ulo gawa ng matinding hang-over. Nangantyaw ng libre ang mga kasamahan ko sa trabaho kahit alam nilang hindi ko gawain ang lumabas nang gabi maliban na lamang kung kasama ko si Kate at Jim.

“Sige na, minsan ka lang mag-forty years old. Saan mo ba kami ililibre?” tanong ni Judy, ang pinakamaingay sa office.

“Kaya nga ako nag-leave para makapagmuni-muni tapos ay lalabas ako?” sagot ko naman sa phone call.

“O, sige, kami na lang ang pupunta diyan. Nasa bahay ka lang naman di ba?” ang sabi ng di ko makilalang boses. Naka-speaker phone ang call nila.

“Uy, wag naman. Hindi pa ako nakakapag-ayos nang bahay,” katwiran ko.

“Basta, antayin mo kami diyan. Tama na sa amin ang kahit anong ulam. Pwede naman sigurong magdala ng San Mig ano?” ang makulit na sabi ni Judy.

Ibinaba nila ang telepono na nagtatawanan. Naiwan naman akong nag-iisip kung nagbibiro ba sila o seryoso. May tatlong oras pa naman bago mag-alas siete kaya ihinanda ko ang pinakamadaling putahe para naman hindi ako mapahiya sa kanila.

Dumating si Kate mula sa eskwela at nagulat pa na nasa kusina ako.

“Happy birthday, Ma. I’m sorry, hindi ako aware na may birthday dinner dito?”

“Well, this is not actually for us. Etong sila Judy ay pupunta daw dito dahil fortieth birthday ko daw. So, does it mean na kumain ka na?” tanong ko kay Kate na noon ay nanood sa pagluluto ko.

“Yes, Ma. The usual TGIF dinner namin nila Celine. Sabi mo kasi ay hindi ka naman maghahanda,” ang tila nalulungkot na sagot ni Kate.

“As I mentioned, hindi ko sila close sa office kaya nagulat din ako na pag-aaksayahan nila ako ng panahon.”

“Ten years ka na sa office pero hindi ka naging close sa kanila?” ang medyo naiilang na tanong ni Kate. Yung tingin nya sa akin habang nagtatanong ay kawangis ng tingin ni Jim kapag may hindi siya pinaniniwalaan sa sinasabi ko. Mag-ama nga sila dahil pareho sila ng mannerisms.

“Bakit, pwede naman yun, di ba? Hindi ko nga din inasahan na mabilis nila akong tatanggapin. Hinatid lang kita sa school tapos nakita ko ang tarpaulin nila sa labas ng office nila sa Quezon Avenue. I just tried kung papasa ako. That was it,” paliwanag ko.

“Ganun lang ba yun? For eight years na nasa bahay ka lang at hindi naman nagtrabaho, saka mo maiisipan na mag-apply kahit sabi mo nga na dahil kami ni Daddy ang priority mo,” balik na tanong ni Kate.

“Well, take it or leave it basta ‘yan ang nangyari ten years ago. Anyway, if you don’t mind, tumayo ka muna dyan at aayusin ko na ang table. I’m sure parating na sila Judy.”

Tumayo si Kate at dumiretso nang punta sa kwarto niya. Ilang buwan na lang din at malapit na din siyang maging ganap na dalaga. Napag-uusapan nilang mag-ama ang gusto niyang mangyari sa debut niya.Iniiwasan kong pag-usapan ang bagay na iyan dahil siguro naroon ang takot ko na maging ganap siyang dalaga at sumubok ng mga bago sa buhay.

Ding..dong…

Binuksan ko ang front door at pareho pa kami ni Jim na nagkagulatan. Nagulat ako na maaga siyang umuwi at tila nagulat naman siya dahil sa suot kong apron.

“Happy birthday. Nagluto ka?”

“Hmmm. Parating daw sila Judy. Bakit, kumain ka na rin ba?”

“Hindi pa. Ano’ng oras daw ba sila parating?”

“Teka at sila na yata ang bumubusina. Sasalubungin ko lang sa gate.”

Binuksan ko ang gate at sabay-sabay silang bumati sa akin. Naroon si Judy na tiyak na pasimuno, si Barbie na pinakabago sa amin, si Sol na panay ang dikit kay Jeron at si Jeron na nag-iisang lalaki sa department namin.

“Thank you, talagang sineryoso ninyo ah,” biro ko.

“Minsan lang to, mars. Saka naniniwala ako na life begins at forty,” ang sagot ni Judy.

Pinapasok ko sila at inalok na simulan na ang pagkain. Tinawag ko si Jim para makasabay na din. Napansin kong nag-aalangan pa siya kung kaya’t nakaupo na kaming lahat nang dumating siya.

“Ang gwapo pala ng husband ninyo, Ma’am Leona,” papuri ni Barbie. Namula si Jim sa narinig.

“Ay siyempre, maganda din naman si Leona, ano?” ang balik-puri naman ni Judy para sa akin.

“Naku, binola mo pa ako. Tignan mo nga ang hitsura ko ngayon. Walang kabuhay-buhay,” biro ko naman.

“Mars, dati ka nang walang kabuhay-buhay,” sagot ni Judy.

Nagtawanan lahat maliban kay Jim.

“Masarap itong niluto mo, Leona. Yung natirang sisig, baka pwede pa nating ipang-pulutan?” tanong ni Sol habang binubuksan ang isang mataas na bote ng Black Label.

“At talagang nagdala ka pa. Jeron, mag-ingat ka kay Sol. Ang sabi nga nila…” di ko na dinugtungan dahil nakatingin sa akin si Jim.

“Pag may alak, may balak,” sabi ni Judy. Nagtawanan ang lahat maliban sa amin ni Jim.

Hindi mahilig makihalubilo si Jim sa mga kasama ko sa opisina pero ngayon ay heto siya at nakatabi sa akin. Nahuhuli ko din si Barbie sa mga nakaw na sulyap niya kay Jim na binale-wala ko lang. May pagkakataong si Jim naman ang gumaganti nang nakaw na sulyap kay Barbie.

“Guys, it’s getting late. Mahirap din namang magpakalasing tayo dahil baka hindi makapag-drive ng maayos si Jeron,” ang paaalala ni Jim. Lihim akong natuwa na hindi na kailangang sa akin manggaling ang pagpapaalis sa grupo.

Tumulong lang si Sol at Judy sa paglilipit at saka nagpaalam na aalis na ang grupo. Pinilit kong magmukhang masaya sa pagbibigay nila ng oras sa akin. Nang makaalis na sila, naiwan kami ni Jim na tila nagkakailangang mag-usap. Dumiretso ako sa pagtulog pagkatapos maglinis ng katawan. At heto nga ang kumpletong detalye kung bakit ako nagising na masakit ang ulo ngayong Sabado.

Nakaupo na pala si Jim at kung gaano na siya katagal na gising ay wala akong alam. Pinagmamasdan niya ang pag-eempake ko ng mga damit. Nagulat pa ako nang magtama ang aming mga mata. Tama nga si Barbie, naroon pa din ang kakisigan niya sa kabila ng halos dalawampung-taon naming pagsasama. Tinignan ko ang repleksyon ko sa salamin at nakita ko ang anyo ng isang babaeng tila pagod na pagod na sa pakikidigma sa buhay. Hindi na kami bagay kung pisikal na aspeto ang pag-uusapan.

“Bakit inaayos mo ‘yan?” sa wakas ay tanong niya.

“Mamamasyal lang. Matagal na akong nakabuntot sa inyo ni Kate, di ba? All my adult life,” sagot ko na hindi tumitingin sa kanya.

“Andami naman yatang damit para sa pamamasyal lang?”

“Isang linggo siguro akong mawawala.”

“Paano ang work mo?”

“Do I even count?”

“Paano ang pag-aasikaso mo kay Kate?”

“Ni hindi nga siya nagdi-dinner dito lately.”

“May problema ba?”

“Wala. Sasabihin ko kung meron.”

“Kelan ka naman nagsabi sa akin?”

Hindi ako kumibo dahil maraming beses ko nang sinabi kung ano ang bumabagabag sa akin. Kung bakit napakalayo ng damdamin namin sa isa’t-isa. Kung ano’ng pagsasakripisyo ko para lang may buong pamilyang kasama si Kate.

“Sige, kung hindi kita mapipigilan, sabihin mo na lang kung saan ka pupunta at nang hindi kami nag-aalala,” nakatayo na si Jim at nasa likod ko na.

“Sa Baguio lang.”

Nanlaki ang mga mata ni Jim at parang hindi makapaniwala na doon ako pupunta. Ganun pa man ay wala siyang sinabing pagtutol o anuman. Napaupo siya at pinagdaop ang mga palad at saka napabuntung-hininga.

“Okay, kung saan ka masaya,” yun lamang at saka siya lumabas ng kwarto.