Maraming Jiro Manio Sa Paligid Natin

Isa si Dra. Elizabeth Pizarro-Serrano na naniniwalang hindi si Jiro Manio ang dapat sisihin sa kinasapitan nitong problema ngayon. Si Dra. Serrano ang doktora ng Bataan Rehab kung saan naglagi si Jiro nang halos isang taon bago siya nagpasyang umuwi sa pamilya para magsimula ulit sa buhay. Hindi rin sya naniniwalang bumalik si Jiro sa dating bisyo dahil sinorpresa pa nga sya nito noong nakaraang Setyembre 2019 sa kanyang kaarawan kasabay nang pagbibigay ng drug test result na negative sa anumang droga. Taliwas ito sa paniniwala nang iba na bumalik na naman sa dating bisyo si Jiro. Mismong ang second mother nyang si Ai-Ai Delas Alas ay tila naniniwala dito. Aminado din si Ai-Ai na nawalan sya ng pag-asa sa anak-anakan at matagal na din silang hindi nakakapag-usap. Mukhang hindi updated si Ai-Ai sa isang bahagi ng istorya na si Zeus Jao ang naunang manakit kay Jiro kaya nya sinaksak ng tatlong beses. Bagama’t naging impulsive si Ai-Ai sa interview, hindi rin naman natin masisisi kung sinukuan nya na si Jiro dahil hindi maliit na halaga ang PhP60,000 na pa-rehab kung ang tao mismo ay hindi pinahahalagahan ang tulong na ito.

Maraming Jiro Manio sa paligid natin—mga taong walang direksyon sa buhay, mabilis panghinaan ng loob o baka pwede ding dumaranas ng depresyon. Isa ako sa naaawa sa kinasapitan nyang sunud-sunod na kamalasan na lalo pang pinasama ng paggamit nya ng bawal na gamot. Tuloy ngayon, kahit na hindi sya ang naunang nagkamali, ang reaksyon agad ng mga tao ay bumalik sya sa dating bisyo. Mabuti na lamang at may mga saksi na tahimik lang naman syang naglalakad nang hampasin ng helmet ni Zeus Jao.

Nananalig ako na malalampasan ni Jiro ang malaking problema na ito. At kung makalaya sya, magpakalayo-layo na sya at pumunta sa lugar kung saan sya pwedeng magsimula muli na walang huhusga sa nakaraan nya. Sana din ay makatagpo sya ng mga taong magmamahal sa kanya at iwawasto sya kung sakaling andun ang temptasyon ng pagbalik sa dating bisyo. Hindi natin alam ang damdamin ng pamilya nya o kung may alitan ba sila ngayon pero sana ay magkaroon din sila ng healing bilang pamilya. Sa kanyang live-in partner na tanging taong nakikipaglaban sa kanya sa issue na ito, sana ay hindi nya sukuan si Jiro.

Kung naging kapatid ko si Jiro, malamang isa ako sa mga taong magagalit sa kanya sa pagkalulong nya sa bawal na gamot. Pero hinding-hindi ko sya iiwan hanggang kaya na nyang tumayo sa sarili nyang mga paa.

I wish you all the best, Magnifico!