Ang Ulan Sa Pilipinas

 

Slide1.JPG

Note: Ang mga figures sa chart ay mula sa website ng Climate Change Knowledge Portal.

Habang tumatagal, lalong lumalala ang sitwasyon ng pagbaha sa ilang lugar sa Pilipinas. Nariyan ang Bataan, Pampangan, Bulacan, Pangasinan at Metro Manila. Lumaki ako sa baha at ulan at sa isa sa mga chat naming magkapatid, pareho naming naaalala na hindi naman bago ang labis na pag-ulan sa bansa.

Base sa datos ng Climate Change Knowledge Portal na kinabibilangan ng mga taong 1991 hanggang 2015, ang taong 1991-1995 ang may pinakamababang patak ng ulan sa bansa. Kung hindi ako nagkakamali, panahon yun ng El Nino at talaga namang pahirapan ang tubig sa madaming lugar.

Pagdating ng 2001-2005, tumaas ng 12% mula 1991 ang dami ng patak ng ulan na may pinakamaraming dalang tubig sa buwan ng Hulyo at Agosto.

Sa sumunod na limang taon (2006-2010), tumaas naman ng 6% ang patak ng ulan na pinaigting ng mga buwan ng Hulyo at Setyembre. Matatandaang ang Ondoy ang puminsala sa atin noong Setyembre 2009.

Bagamat mayroon lamang 2% na pagtaas ang patak ng ulan mula 2011-2015, nakakabahala ang dami ng ulang binuhos sa mga buwan ng Hunyo, Hulyo, Agosto at Setyembre. Hindi ito maganda sa kadahilanang kapag ang lupa ay over-saturated na, hindi na ito makakasipsip ng tubig na syang nagiging dahilan ng pagbaha.

1.Sa kabuaan, tumaas ng 24% ang volume ng tubig ulan kung ikukumpara ang datos ng 2015 sa 1991. (Hindi pa available sa website nila ang datos ng 2016 hanggang kasalukuyan.

2.Sa nakalipas na pitong taon, consistent ang mga buwan ng Hunyo hanggang Setyembre sa dami ng hatid na ulan.

3.Bagamat hindi naman abrupt o biglaan ang pagtaas ng rainfall level kada taon, mukhang sasanayin na tayo sa pamemerwisyo ng baha dala ng tubig ulan.

Ano nga ba ang mga dahilan ng pagbaha?

Ang dahilan ng pagbaha ay magkakaiba bawat lugar kaya ang matatalakay ko lang ay yung common information.

1.Baradong drainage- bilang mamamayan, dapat nating pangalagaan ang ating kapaligiran. Yung simpleng waste segregation at recycling ay dapat nagsisimula sa bawat kabahayan. Sa pamahalaan, tungkulin ninyo pong siguruduhin na ang bawat barangay ay hindi namamaho sa basura. Pwede nyo ring ipatupad na hindi kayo kukuha ng basurang hindi properly segregated.

2.Kalbong kabundukan- gawin nating misyon na makapagtanim ng 1 hanggang 5 puno kada taon. Sumama tayo sa tree planting program. Taniman natin ng halaman ang mga vacant space natin sa paligid. Naniniwala ako na kapag maganda ang kapaligiran, nakakabawas ng stress sa tao at mas nagiging masigasig na maging mapagmahal sa kalikasan. Sa pamahalaan, wag nyo namang putulin ang mga punong tinanim namin lalo at hindi naman kailangan. Maging mahigpit tayo sa pagpapatupad ng batas sa pagpuputol ng puno.

3.Komersyalismo-wag nating patagin ang bundok para gawing pabahay o pang-komersyo. May dahilan ang Diyos kung bakit sya ginawang bundok. Sa mga negosyante, huwag puro profit ang nasa utak. Uso na ang mga simulation software ngayon kaya hindi na mahirap i-project kung ano ang mangyayari sa isang proposal sampung taon mula ngayon.  Huwag din nating lasunin ang mga ilog sa walang habas na pagmimina. Mahirap gamutin ang kalikasan at talagang babalikan tayo nito kung hindi natin aayusin ang mga ginagawa at nagawa natin.

Seryosohin natin ang mga nangyayari sa ating kalikasan. Darating ang panahon ng mas malalakas na bagyo at wala tayong proteksyon sa baha kung patuloy nating ipagwawalang-bahala ang kasalukuyan. Noong unang panahon, nabibili lang ang isang hektaryang lupa sa presyo ng isang kalabaw. Ngayon, naibebenta ang lupa sa halagang PhP1500-PhP 3000 per sqm dito sa probinsya. Kung noong araw kaya ay nagpahalaga ang ating mga ninuno sa lupa, baka halos pantay pantay ang sakop na lupa kada pamilya.