Pagtitiis ng Pilipino

Katanghaliang tapat sa isang bayan sa Bulacan, binabagtas namin ang daan pauwi. Madaraanan ang mga naglalako ng iba’t ibang klaseng paninda.

Naroon ang isang lolang nakaupo sa bangketa. Lilinga-linga sa mga suking pwedeng alukin. Ang mga gulay na nakalatag sa plastik na pantakip ay halos nalalanta na. Ang iba ay nilalamon na ng alikabok. Naisip ko, “sino kaya ang pwedeng bumili sa paninda nya sa lagay na iyon?” Ito ay hindi panlilibak kundi isang matapat na pagtatanong kung paano makakayang ubusin ang paninda gayong may mga pwesto sa loob ng palengke na mas sariwa pa ang gulay.

Sa isang sulok naman ay ang nagtitinda ng donut. Donut na pang-masa at hindi ang nasa isip nating Mr. Donut o Dunkin. Naka-hair net, naka-lipstick, maayos ang porma ng tindera kumpara sa mga katabing nagtitinda ng gulay, damit at iba pa. Mukhang masaya naman sya sa kanyang ginagawa kahit isang munting bangko lang ang inuupuan at nakukuntento sa pamaypay na pamawi ng init.

May mga batang kailangang businahan, mga nagtitinda ng garter. Payat ang mga bata at sa tantya ko ay nasa 9-11 taong gulang. Mabilis akong maawa sa mga batang maagang nasabak sa hanapbuhay. Sa Waltermart kung saan kami madalas mag-grocery, siniguro kong palagi akong may trenta pesos sa bulsa para pambili ng 1 basahan kada punta. Sa maliit na bagay, nabibigyang-pag-asa natin ang mga bata na may naniniwala sa kanilang pagsisikap.

Eto namang si manong takatak, muntik pa kaming mapa-preno ng biglaan. Ang takatak boys ay walang pakundangan basta mairaos ang benta. Biglang susulpot para humabol sa jeepney. Sa konting puhunan at kita, sapat na ang maghapong pantawid sa gutom.

Wala ka talagang masasabi sa pagtitiis ng Pilipino. Umulan, umaraw, nariyan silang nagbabakasali. Sila ang mga Pilipinong patas kung lumaban. Hindi nagnanakaw, hindi gumagawa ng masama para mabuhay. Sila ang mga Pilipinong tinatanggihan ng ospital dahil walang pambayad o dili kaya ay nagkakasya na lang sa pasilyo ng ospital para magamot lamang. Sila ang mga Pilipinong tinatawaran ang paninda at pumapayag naman maibenta lamang. Sila ang mga Pilipinong hindi sinwerte sa materyal na bagay kung kaya’t ang tanging pangarap ay malamnan ang tyan ng pamilya. Sila ang masisipag na Pilipino na matiisin at mapangarapin. Aalisin pa ba natin ang karapatan nilang yun?