Starting Over Again (Movie)

Siguro nagtataka kayo bakit parang sobrang delayed reaction ko naman sa movie na ‘to. Dahil paulit-ulit kong pinapanood si Piolo Pascual sa “Starting Over Again,” kaya finally, sinulat ko na rin kung ano ba ang insights ko sa movie na ito.

To be honest, can’t relate much ako sa theme ng movie. Una, wala akong “the one who got away.” Pangalawa, hindi ko naman ginustong magkaroon ng second chance sa mga ex ko. Pangatlo, isa’t kalahating taon matapos ang break-up, nahanap ko ang “Paul Soriano” ko sa ending.

Yung “Starting Over Again” na kanta ay dedicated para sa sarili ko. Nagsimula akong tumayo mula sa malalim na pagkakahulog noong araw na magdesisyon ang dati kong mahal na tapos na, wala na, good-bye na. Amazingly, tinanggap ko na tapos na, wala na, good-bye na. Walang dramahan. Walang stalking. Walang sumbatan. May mangilan-ngilan lang na moment na naisusulat ko kung gaano kasakit at may mga moment din na “sige, okay na kahit sino” dati pero sa huli, naisip kong kung magpapakasira ako, mas nakakahiya naman. I’ve got my pride.

Closure ang tema ng pelikula at moving forward. Ang mahirap lang sa role ni Toni Gonzaga, umasa sya na baka may second chance pa kahit ikasira yun ng relasyon ni Patty at Marco. Tama rin naman ang sinabi ni Marco kay Ginny na mahal pa rin naman nya si Ginny pero sa ibang pamamaraan na nga lang—pwedeng sisterly love, pwedeng platonic love. Yung eksenang dinelete na ni Ginny ang email nya, yun ang point na ready na syang mag-move forward.

Paano ba ako nag-move forward? Wala akong dinelete na emails, wala akong tinapong litrato, wala akong pinamigay na gamit dahil lahat ng yun ay parte ng kasaysayan ng buhay ko. Yung mga bagay na makapagpapaalala sa akin kung paano ako naging napakasaya at napakalungkot ang tumulong sa aking bumangon.

Kung dati-rati ay saulong-saulo ko ang numero ng ex ko, ngayon, ni hindi ko maaalala kung Globe ba o Smart ang service provider nya. Saka ko naisip na wala na talaga sya sa sistema ko.Kung mangyari man na magtagpo ang landas namin ulit, wala akong gustong mangyari kundi ang ngitian sya saka ipagpatuloy kung ano ang sadya ko sa araw na iyon. Nakapagsimula na ako ng sarili ko lang, bakit ko pa guguluhin ang nanahimik kong buhay—I’ve started my life over again.

Yung iba kung isumpa ang ex, wagas na wagas na parang walang pinagsamahang maganda. Hindi ba pwedeng tanggapin na lang na ganun talaga, may katapusan ang lahat ng bagay. Sabi ko nga dati, mawawala naman sya talaga sa akin—pwedeng sa sakit, pwedeng sa divorce o annullment, pwedeng sa ibang babae, pwedeng sa trabaho, pwedeng magsawa na lang, pwedeng sa aksidente. Kung sa kahit anong paraan hindi naman kami magiging forever, ano ang point at di ko tanggapin ang kahit na anong paraan ng pagkawala nya.

Closure. Forgiveness. Moving forward. You, too, can start over again.