Gabay Sa Pagkuha Ng Urn sa Thai Airways Cargo

Mahirap ang mamatayan sa ibayong-dagat at nagpapadagdag ng hirap ng loob ang mga gastusing kaakibat ng pagkamatay gaya ng bayarin sa ospital at repatriation ng bangkay. Walang problema kung ang namatay ay miyembro ng OWWA o may employer bago namatay dahil sasagutin ng OWWA at employer ang mga gastusin pero kung ang kaso nyo ay parang kaso ng namayapa kong tiya, heto ang ginawa kong mga gabay para sa pagkuha o pag-claim ng urn.

Kung ang namatay ay walang aktibong trabaho at hindi rin aktibong miyembro ng OWWA, ang Philippine Embassy ang otomatikong may hurisdiksyon sa bangkay. Importante ang pasaporte ng namatay para ma-verify ang pagkakakilanlan nito. Ang mga gastusin ay dapat pag-usapan ng kamag-anak ng namatay at ng Philippine Embassy.

Magastos ang mag-repatriate ng bangkay at aabot ng 2 buwan o mahigit pa ang pag-uwi nito. Kung katulad namin kayo na bukas ang isipan sa cremation, ang cremation ang isang option kung gusto ninyong mapadali at mabawasan ang gastos ng pag-uwi ng bangkay. Syempre, kinakatawan ng artikulong ito ang mga normal na mamamayan na walang gaanong kakayahan na magbayad ng malaki.

Mula sa araw ng cremation hanggang araw ng pagpapadala ng urn sa bansang pinagmulan ng bangkay ay inaabot ng 10 working days. May mga permit kasi na kailangang lakarin.Sa mga panahong ito, importante ang madalas na komunikasyon sa Philippine Embassy. May mga representative silang naka-assign sa bawat kaso. Sa kaso ng aking tiya, si Atty. Chares Marie Elacion ang syang masigasig na kausap namin mula sa Philippine Embassy in Cambodia.

At dahil sa Cambodia dinatnan ng kamatayan ang aking tiya, sa Thai Airways ipinadala ang kanyang mga abo. Hintayin ang airway bill number ng cargo upang ma-track sa Thai Airways Cargo. Tatlong oras ang byahe mula Bangkok o Cambodia hanggang Pilipinas.

1. Alamin sa DHU (Document Handling Unit) ng Pair Cargo ng Thai Airways kung dumating na ang eruplanong nagsasakay sa urn. Ipakita ang airway bill number. Ang pag-aayos ng cargo ay kadalasang tumatagal ng hanggang 2 oras mula paglapag ng eruplano.
2. Kapag ready na ang dokumento sa DHU, ipa-photocopy ang mga ito. Safe na ang 4 na kopya.
3. Pumunta sa Customs Office malapit sa Terminal 1 para makakuha ng gate pass. Apat na kopya ng gate pass ang ibibigay. May babayarang halaga na nasa Php50.00. Fill-upan ang gate pass at pumunta sa Terminal 1.
4. Pumunta sa opisina na nagbibigay ng gate pass para makakuha ng pass papunta sa Customs Office sa Terminal 1. Kung may kasamang kukuha, ihanda ang PhP50.00 para sa kanya. Mag-iwan ng ID. Wag kalimutang balikan.
5. Pumunta sa airport ng Terminal 1 at dumiretso sa Customs Office sa dulo. Ipasa ang mga dokumento para matatakan. Magbabayad ng PhP200.00 dito.
6. Kung wala pang 5PM, pipirmahan ang gate pass ng Customs Officer na naroroon sa may Pair Cargo sa Ninoy Aquino Avenue.
7. Ipa-photocopy ang pirmadong gate pass sa 1st floor ng building at dumiretso sa warehouse na nasa likod ng building. Maraming sasalubong na fixer. Nasa sa inyo na kung papatulong kayo. Nagpatulong kami! Hahahaha!
8. Ipasa ang gate pass sa warehouse custodian at hintayin ang cargo. Tignan kung tamang cargo ang naibigay sa inyo.