Bakit Hindi Ako Naging Crush Ng Crush Ko?

Ganito ako noon. Noon yun!

Ganito ako noon. Noon yun!

Bihira akong magka-crush. Mabibilang sa daliri ang mga taong hinahangaan ko, babae man o lalaki. Dahil bibihira kong maramdaman yung pakiramdam na natataranta, namumula, di makakilos ng normal, mabilis din sa aking bumalik ang mga ala-ala kung bakit nga ba hindi ako naging crush ng crush ko?

Crush Number 1: Grade school ako noon. Hindi ko pa alam kung ano ang crush. Basta natataranta lang ako pag nakikita ko sya. Uso noon ang autograph notebook. Malaking pagkakamali ko nung isulat ko ang initials nya sa tanong na “Who is your crush?” Grabe, kumalat sa classroom. Tinutukso ako palagi dun sa C#1 (crush #1). Naiinis ako sa atensyon ng nakakaalam. Naiinis ako sa sarili ko kung bakit ko nga ba sinulat-sulat pa. Years later, nagkita ulit kami ng di sinasadya. Wala na ang crush ko sa kanya pero hiyang-hiya pa rin ako sa mga pinaggagawa ko nung grade school ako at iyon ay ang aminin sa autograph na sya ang crush ko. Hindi nya naibalik ang paghanga although mabait sya akin that time. Napaka-gentleman, ni hindi nambastos o nagyabang. To answer my own question, hindi nya ako nagustuhan kasi hindi pa fully evolved ang hitsura ko nun. Wala akong dating. Baka natyempuhan pa nya na naka-tsinelas akong pumasok noong bumaha sa amin. Baka natyempuhan pa nya na nag-iiyak ako dahil natalo ako sa tumbang-preso. So yun.

Crush Number 2: High school na ako neto. Nung una, kaasaran ko lang. Dumating ang time, aba, nahihiya na naman ako. Masamang senyales. Pag nako-conscious, it means gusto mong i-please na lagi kang maayos, mabait, cute, funny etc. Pati sya nanibago sa biglang katahimikan ko. “May sakit ka ba?” Grabe, namula ako ng itanong nya yun. Hindi ko syempre masabing “Wala, crush lang kita!” Sa lahat ng crushes ko, sya ang pinaka-nagtagal. Iilan lang ang nakaalam ng “sikreto” ko na yun at hanggang ngayon, wala syang kamalay-malay na minsan sa buhay ko, I admired him from a distance. Naks. Paano ba nya ako magugustuhan noon eh talong-talo ako ng mga schoolmates ko pagdating sa pormahan. Sabi nga ng kaibigan ko na naging kumpare ko years later, “maganda ka pero may mali sa sinusuot mo, may mali sa hairstyle mo. Hindi namin type ang babaeng nagpo-pony tail. Hindi namin type ang masyadong geeky.”

Ngayong matanda na ako, happily married at tapos na sa stage na kilig-kiligan, natatawa na lang ako sa kababawan ko na may pa-emote emote pa noon kung anong mali sa akin at hindi ako nagustuhan ng gusto ko. Eh ngayon, ang naiisip ko, bakit ko nga ba sila nagustuhan eh better naman ang mga dumating na lalaki sa buhay ko after them? Kung ngayon ko ba sila nakilala, may chance ba na magustuhan ko sila? Baka hindi.

Gaya ng friendship, ang crush, hindi mo yan maipipilit. Hindi naman porke gusto mo, gusto ka na rin nya. Kung may criteria ka kung bakit mo sya nagustuhan, malamang, may criteria din sya ng gusto nyang tao na hangaan. Walang personalan. Para sa akin, ang crush, inililihim na lang. Mabilis mawala yan at kung matapat ka sa taong malaki ang ego, lalo mo lang palalakihin ang ego nya na isa na namang tao ang nabighani sa kanya.