Kelan Kaya Makakauwi Ang Mga OFW?

military force your face!

military force your face!

Nag-sorry na si Pnoy sa pangyayaring nakapatay ang Philippine Coastguard ng isang 65-year old na mangingisda mula sa Taiwan ngunit mukhang malayo pa rin sa pagiging mapayapa ang pagtrato nitong mga Taiwanese sa mga kababayan natin na naroroon sa Taiwan. Hanggang kagabi, may mga balita na hindi pinagbibilhan ang mga Pilipino ng mga Taiwanese at mayroon na ring freeze hiring kung kaya’t problemado ang mga paalis na OFW dahil sa abot-kamay na nga naman ang paglipad, heto’t mapupurnada pa.

Ramdam maging sa internet ang galit at pagkutya sa ating lahi ng mga Taiwanese. Marami ang kumukutya at tila nananakot na kayang-kaya naman nila tayong gyerahin dahil sa bulok nating military force. Bullying, kumbaga. Walang pinagkaiba sa isang mahirap na nagtitiis sa among mabagsik para sa sahod at sa paniniwala na rin na iyon lamang ang makakatulong at makabubuhay sa kanila.

Mayroon tayong 87,000 overseas Filipino workers sa Taiwan. Wala akong statistics kung alin dyan ang domestic helper, factory worker, engineers at iba pa. Pero sa kawalan ng datos, ia-assume ko na malaking poryento nila doon ay namamasukan bilang factory worker at kasambahay.

May ilan na handang umuwi kung kinakailangan ngunit karamihan ay may takot sa dibdib na mapag-initan at mapauwi ng wala sa panahon. Paano na nga naman ang mga utang na dapat bayaran at pamilyang umaasa sa kanila. Kung ikaw ay kasambahay na kumikita ng PhP18,000 to PhP 20,000 kada buwan sa Taiwan, kikitain mo ba ang parehong sahod kung ikaw ay mamamasukan bilang kasambahay dito sa Pilipinas? O kung ikaw ay factory worker na kumikita ng PhP25,000 sa Taiwan, kikitain mo ba ito sa Pilipinas?

Hindi pa tapos ang imbestigasyon at wala pa namang opisyal na pahayag ang bawat kampo sa ano ba ang talagang nangyari at kinailangang pagbabarilin ng ating coast guard ang fishing vessel na yun. Kung ikaw ay naninindigan sa iyong pag-aari at teritoryo, malawak ang pag-iisip mong uunawain ang ginawa ng ating coast guard. Ngayon, wala ako sa poder na pagdiskusyunan pa kung sino ang maysala dahil isa lang ang nakikita at nararamdaman ko: HINDI TAYO HANDA!

Hindi tayo handang panindigan kung ano ba ang atin dahil may pinag-uusapang kapakanan dito. Ang kapakanan ng 87,000 Filipino overseas workers na nanganganib magutom, maltratuhin at pauwiin ng kanilang mga amo.

Hindi tayo handang makidigma sa kahit anong bansa dahil mahina at luma ang ating mga gamit-pandigma. Para lang tayong mga katutubong gumagamit ng sibat laban sa mga baril at kanyon ng mga banyagang mananakop. Dahil sa kahinaaang yan, madali tayong takutin at i-bully. Alam nilang luma at wala sa modelo ang mga gamit natin. Ultimo ordinaryong tambay nila ay alam yun!

Kung OFW ka, hindi ka handang umuwi kasi wala ka namang uuwiang trabaho. Wala kang sapat na ipon para makapagsimula ulit.

Hindi handa ang Pilipinas na kayanin ang bultuhang uwi ng mga manggagawa mula sa Taiwan dahil alam nating wala tayong contingency plan para sa kanila. Maliit man ang 87,000 na bilang ng tao ngunit malaking bagay ito para sa isang bansang nagtatangkang bumangon.

Transparent government kamo, gusto kong malaman kung kasama ba sa wildly important goal ng pangulo ang pag-aaral sa labor force natin. May mga Pilipinong sinadyang umalis sa bayan at choice nila yun. It’s a “want” and not a “need.” Concern ako sa mga Pilipinong gusto na talagang bumalik pero hindi magawa dahil sa kakulangan ng sapat na sahod sa babalikang trabaho o wala na talagang available na trabaho para sa kanila. Kung paano mapatataas ang standard of living ng tao dito ay isang matagal at mahabang proseso. Ngunit kung gugustuhin, masasakatuparan naman ang exodus ng ating mga kababayan. Basta’t nakalatag ang programa at umaandar ang makinarya ng pagsulong, mangyayari naman ang minimithi nating lahat na wala na sanang Pilipino ang kinakailangang dumayo sa ibang bayan para sa magandang buhay.