Family Feud Rules

Masaya naman sila noon!

Masaya naman sila noon!

Kalurki ang bangayang Claudine Barreto vs. Gretchen Barreto. Andaming nadadamay, ha! Ano ba talaga pinanggalingan? Ang instagram hater ba ni Julia Barreto o iba pang issue? Ang pangit lang kasi kagaganda nilang mga babae, nagbabangayan na parang taga-tabi tabi lang. Ang di ko ma-gets eh yung kampihan issue na parang botohan sa pagiging class president. Paramihan na lang ba ng kakampi. Dapat kasi, sa bawat family feud, may rule na pinapairal.

Rule # 1. Ang magulang ay laging nasa gitna.
– Hindi pwedeng may favorite child ang magulang. Kung meron man, dapat hindi ito halata ng hindi paborito. Natural, ang mga bunso ang favorite by default. Ang mga middle child ang may issue sa mga ganyan eh. Insecure kasi ang mga middle child. Ang mga firstborn, keber lang yan kung paborito sila o hindi. At usually, ang firstborn, paborito yan ng lolo at lola, tito at tita. So ang natitirang parang hilaw, eh yung mga nasa gitna. Ang magulang, pag nagkasala ang mga anak at kailangang mamalo, dapat pareho. Paluin ang nakatatanda sa pagpatol sa nakababata at paluin ang nakababata dahil sa disrespect sa nakatatanda. Hindi pwedeng may kakampihan ang magulang. Made-demoralize ang hindi kinampihan at lalaki naman ang ulo ng kinampihan.

Rule # 2. Ang mga kapatid, wag makisali sa alitan.
– Okay na sana si Jayjay at Gia eh. Concern sila kila Gretchen at Claudine. Kaso ang ending, naging tug of war ang labanan. Nagsalita si Jayjay tungkol kay Claudine, bumanat naman si Gia tungkol kay Gretchen so paikot-ikot lang ang labanang to. Pangit sa magkakapatid yung nagkakampihan kasi magkakapatid kayo eh. Sa halip maging peacemaker, nagiging firestarter ang dating ng kumakampi.

Rule # 3. Wag makialam ang kaibigan sa away-pamilya.
– Yeah right, Tania Montenegro. Quiet na quiet ka sa Gretchen-Nadia feud pero eto ngayon at lumabas ka to speak about Gretchen and her childhood? Wag naman sanang mangyari sa amin ito pero hindi ko hahayaang makisawsaw ang kahit na sino sa away o usaping pampamilya ko. Ang para sa pamilya, pamilya lang ang makakalutas. Hindi si Pedro, hindi si Juan at hindi si Mother Lily at Robbie Tan.

Rule # 4. Wag isapubliko ang away.
– Sa barangay, may mga pamilyang nag-aaway away. Naku, ang gulo! Pag naging barangayan na ang labanan, asahan mo yung mga kapitbahay mong tsismosa, ikakalat na ang baho ng pamilya nyo. Sino ba naman ang magbe-benefit sa family feud at mud throwing kundi ang mga usisero? Mahirap isapubliko ang away at kaya nga nabibilib pa rin ako sa level ng maturity ng Padilla brothers na kahit di tanggap ni Robin ang pagiging Bebe Gandanghari ni Rustom eh wala kang maririnig na kadramahan mula sa kanila.

Rule # 5. Ituro sa mga anak ang pagmamahalan at paggalang sa isa’t-isa.
– Mahirap i-manage ang malaking pamilya. Mahirap ituro ng pantay ang values dahil may mga anak na pwedeng isinilang during the dry season na hikahos ang pamilya at kelangang magtipid kaya yun ang value na kinamulatan ng bata. Kontra naman sa sumunod anak na pinanganak during the wet season na umuulan ng biyaya kaya ang nakalakihan ng bata ay luho at materyal na bagay. Mahirap i-align ang ilang bagay-bagay pero kung itututuro ng magulang ang pagmamahalang magkakapatid, maimumulat sa bata at a young age ang ang nakatatanda ay dapat nagpapasensya at kumakalinga sa nakababata at ang nakababata ay dapat nirerespeto ang nakatatandang kapatid.

Rule # 6. Ang naibigay na, ay naibigay na.
– Dapat walang sumbatan ng nagawa o naitulong. Bakit ka pa tumulong kung habangbuhay mo namang uungkatin ang naitulong. Ang bagay na naibigay na, hindi na iyo yun.

In the end, magkakabati din ang mga yan. Dahil ang Rule # 7 ko ay ang PAMILYA ay PAMILYA kaya dapat magmahalan at magkapatawaran.