Ang Kayumanggi at si Lucy Liu

Nagbabalat-sibuyas na naman daw ang mga Pilipino sa “racist” remark ni Lucy Liu sa show ni David Letterman kung saan nya sinabing hindi sya pwedeng mababad sa araw at kung hindi ay magmumukha syang Pilipino. Maitim, kayumanggi- yan ang pagiging Pilipino sa isip ng ibang lahi at kahit pa ng mismong kalahi na natin. Ang tanong, sino ba ang mas nagbalat-sibuyas, ang mga Pilipinong narito sa Pinas o ang mga Pilipinong naroon na sa ibayong-dagat. Bakit ko nasabi? Mas matindi kasi ang pressure para sa mga Pinoy na nasa abroard pagdating sa pagtanggap sa kanila ng lipunan kung kaya’t nagiging sensitibo sila sa mga diskriminasyon at pag-aaglahi. Kung ang Pinoy na nakabasa, nakapanood o nakapakinig ng sinabi na yun ni Lucy Liu ay naririto lamang sa Pilipinas, pihadong ang reaksyon lamang ay, “Lucy Liu, our local version of Pokwang!” Tatawanan lamang si Lucy at patuloy lang ang buhay.

Napakabalat-sibuyas naman ng ibang Pilipino samantalang tayo rin naman, kung makapintas sa ibang lahi ay ganun na lang. Kinarma nga yata tayo dahil sa pag-discriminate ng mga ninuno natin sa mga Intsik noong panahon ng Kastila. Look at where China is right now, isa nang superpower. Kinarma din yata tayo sa pag-discriminate sa mga Bumbay dahil sa pagpa-five six nila at pagtitinda ng kung anu-ano. Eh sino ba ang kinikilala ngayong IT expert, hindi ba’t India?

Mismong mga kapatid nating Aeta at katutubo, ginagawang butt of jokes ng ilang magagaling na Pilipino pero isang statement lang na malamang ay na-misinterpret natin mula kay Lucy Liu, galit na galit na ang ibang Pinoy?

Sige nga, kung proud ka sa kayumanggi color mo, itigil mo ang papaya soap at glutathione mo. Itigil mo ang pagkukulay ng blonde at pagsusuot ng colored lens. Itigil mo ang pa-slang slang mo kasi hindi ikaw yun. In short, embrace your ethinicity.

Baligtarin natin ang sitwasyon. Paano kung si Mercedes Cabral na isang kayumanggi beauty ang nagsabing “Hindi ako gumagamit ng whitening products kasi magmumukha naman akong puti, ano!” Mao-offend kaya ang mga puti? Hindi dahil sa konseptong ang pagiging puti o maputi ay ang dapat o ang standard. Maninipis ang maiitim o kayumanggi sa mga pahayag ng diskriminasyon kuno o pati sa paggamit ng salitang Filipino ng isang brand ng biskwit dahil sa isip-isip ng ibang affected na Pinoy, substandard kasi ang pagiging kayumanggi.