Ang Amo at Ang Kasambahay

Nakakalulungkot isipin na mismong sa ating bayan nakararanas ng pagmamalupit ang isang kasambahay na wala namang hinangad kung hindi ang magsilbi at kumita ng kaunti. Ang kaso ni Bonita, ang kasambahay na sinasabing pinagmalupitan ng mag-asawang Marzan, ay hindi na bagong balita. Ilan na nga bang kasambahay ang nakaranas ng pagmamalupit, pang-aabusong pisikal at sekswal at pagtanggap ng masasakit na salita buhat sa mga among kung magpasahod naman ay napakaliit naman.

Hindi maikakaila na may mga kasambahay din namang hindi maayos manilbihan. Burara sa mga gamit, tamad, walang kusa, mapakialam at ang iba pa nga ay sadyang magugulang. Ngunit hindi rin ito nagbibigay ng lisensya sa mga amo upang tratuhing masahol pa sa hayup ang kasambahay.

May mga argumentong baka ang pananakit naman ay gawa-gawa lang mismo ng may katawan upang pagkaperahan ang amo. Baka daw may mga kasabwat na sindikatong ang pakay ay mangotong lamang sa mga inosenteng amo. Ito ay mga pangyayaring nangangailangan ng masusing imbestigasyon; isang mahaba at matagal na proseso upang malinis ang pangalan ng inaakusahang amo.

Ang normal na damdamin ng tao ay papalag sa anumang akusasyon lalo’t ito ay hindi naman talaga totoo. Naroon ang simpatya ng mga tao Kay Bonita dahil na rin sa pagtatago ng mag-asawang Marzan. Sa batas ng damdamin, hindi ka magtatago kung ikaw ay inosente.

Iba’t ibang personalidad ng kasambahay na ang nakasama ng aming pamilya. Ang kakaalis pa lang na kasambahay galing sa probinsya ay nagsumbong sa kapatid na nasa Novaliches na sya daw ay pinagtatrabaho naming ng sagad-sagad. Siya daw ay pinaglalaba ng mga damit, pinag-aahon ng sampay at inuutusan palagi. Ang kapatid nya ang nagsabi sa amin noon sabay paalam na hanggang katapusan na lang ng Agosto ang kanyang kapatid. Nagalit ako sa bintang nila at sinabi kong lahat ng iyon ay kasinungalingan lamang. Damit lang ng sanggol ang nilalabhan nya at kung minsan pa ay kaming mag-asawa ang gumagawa. Ang sampay na kailangan nyang iahon ay nasa bintana lamang at ang sobrang utos na sinasabi nya ay mga paalala ng mga kakainin at gagawin nila sa maghapon. Sa huli, napagtanto namin na gumagawa lang ng dahilan ang magkapatid upang hindi naming sila singilin sa nagastos naming pamasahe. Kung naiba-iba ako o ang aking asawa, maaaring nasaktan na namin o napagsalitaan ng masasakit ang aming kasambahay lalo pa’t sa termino nya sunud-sunod na nagkasakid ang dalawang batang maliit na kanyang binabantayan.

Sa panahon ngayon, wais na rin naman ang mga kasambahay. Kung yaya, pag-aalalaga lang talaga ang gagawin nya. Kung katulong, gawaing-bahay lang ang gagawin nya na sya naman naming patakaran din. Alam naming ang hirap ng trabaho ng isang kasambahay kahit pa ba sabihing may washing machine at vacuum cleaner kami na makatutulong magpaagaan ng trabaho nya. May mga among kung makapag-post sa Facebook ay akala mo nagmimina ng pera. Pero ano ka, tanungin mo ang kasambahay at sasabihing ganito o ganun lang ang pasahod sa kanila. Sahod na hindi man lang makakabuhay ng pamilya. Sasabihin pa ng ibang amo, maswerte nga sila (kasambahay) at may take home pay silang PhP 2,000. Mahiya nga kayo! Nakakabili kayo ng bagay na higit sa PhP 2,000 pero ang magpasahod ng tama, hindi ninyo magawa! Wag kayong magtaka kung bakit pepeteks-peteks ang kasambahay nyo.

Sa kabaligtaran naman, may mga kasambahay na kukunin ang lahat ng oportunidad makapanlamang lamang. Hindi kayo binabayaran pala makipagtext maghapon, manuod ng TV maghapon, magpaganda maghapon at pumeteks-peteks maghapon! Matuto kayong pakibagayan ang ugali at kultura ng amo nyo!