Tag-Init

Dekada 80. Hindi pa uso ang internet noon. Hindi pa uso ang PSP at lalo na ang cellphone. Hindi pa gaanong maraming sasakyan sa Balanga. Nasasakop naming mga bata ang kalye para maglaro. Taguan, tumbang-preso, patintero, langit-lupa, habulan—mga larong hindi na yata kilala ng mga batang isinilang sa dekada 90.

Malaki ang kaibahan ng mga bata noon sa mga bata ngayon. Una na rito ay noon, para lamang kaming magkakapatid na nagkakasayahan.  Ngayon, para bang normal na lang sa isang bata ang magkaroon ng puppy love. Maagang nawawala ang kainosentihan at naiimpluwensyahan na ang pagkakaroon ng relasyon ay tanggap na kahit sa murang edad.

Alas-4 ng hapon, kung suswertihin ay papayagan kaming maglaro sa kalye kasama ang ibang bata sa kapitbahay. Walang usapan at bigla na lang naming maiisipang maglaro. Kung tatatlo kami, makukuntento na lang kami sa pagbibilang ng mga sasakyang manginlan-ngilan kung dumaan noong panahon na iyon. Kung papalarin naming dumami kami dahil pinayagang lumabas ng bahay ang ibang kalaro, doon na kami maglalaro ng patintero. Taguan ang paborito naming pag dapit-hapon na. Mahirap kasing mahuli kapag madilim na ang paligid. Kapag napagod, magpapahinga at magmemeryenda ng biskwit at soda sa tindahan. Hindi naman ako makakatiis, bibigyan at bibigyan ko din ang mga kalarong nakatingin sa aming magkapatid habang kumakain. Ewan ko ba pero nabubusog ako sa kapirasong biskwit dahil na rin siguro naroon ang diwa ng pagbibigayan.

Iniipon naming mga bata ang basyo ng lata ng gatas para sa tumbang preso. May pagkakataon pang isang pilyong kapitbahay ang sinagasaan ng kanyang kotse ang latang ginagamit namin sa laro. Nagprotesta ang mga bata. Nakangisi namang nagpatuloy sa pagmamaneho ang mama.

Mapapansin ng ilang matatakaw na hitik na sa bunga ang puno ng makopa sa bakanteng lote. Tama nga naman dahil bukod sa hindi sapat ang biskwit para sa aming lahat, nakakaakit pitasin ang mapupulang makopa na tiyak na matamis. Mga lalaki ang aakyat ng puno, kaming mga babae ang tagasalo sa baba. May madudugas ding nasa puno pa lang ay kakain na habang kaming nasa baba ay nakatingin. May kantyawan, may inisan. Sa bandang huli, lahat naman kami’y makakakain din.

Kinagabihan, isa-isa nang uuwi ang mga bata. Sa isang paswit lang ng aming ama, napapasunod kami at ibig sabihi’y “gabi na, umuwi na.” May kalarong susunduin ng yaya o katulong sabay sabing “binuksan ko na ang aircon mo para maginhawa ka mamayang pagtulog.” May kalarong pamalo ng ina ang nakaabang. May kalarong kusa na lang din uuwi. May kalarong ayaw munang umuwi talaga.Lahat umaasang sa maikling panahon ng tag-init ay masulit man lamang ang bakasyon mula sa eskwela.