Para Kanino Ka Ba Bumabangon?

Inspired by the Nescafe commercial, naisip ko lang, para kanino nga ba ako bumabangon? Bakit nga ba kelangan ko pang bumangon? Mas malalim ang kahulugan ng pagbangon sa akin. Hindi lang yan ang tipong pagbangon sa higaan tuwing umaga para pumasok sa opisina. Hindi lang yan ang pagbangon sa pagkaka-siesta para lang sumamba. Hindi lang yan ang pagbangon para magtimpla ng Nescafe (actually, Cafe Puro ang preferred local brand of coffee ko)

Dumating ako sa punto ng buhay ko na kelangan kong ibangon ang sarili ko sa pagkakadapa. Kung isasapelikula ang buhay ko, yung unang parte ay heavy drama habang ang kasalukuyan naman ay may halong comedy na. Ano ba ang pinakamabibigat na dagok sa buhay ko at paano ba ako bumangon? Naisip kong ibahagi ang mga ito para sa mga taong dumaranas ng mabibigat na pagsubok sa buhay. Hey, there is always hope!

1. Nawalan ng trabaho ang tatay ko- mula sa isang kumportableng buhay, nagising na lang kami isang araw na wala na pala kaming kapera-pera. Nasa grade 3 ako noon. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, umayaw na lang sa pag-a-abroad ang aking ama at bigla na lang umuwi ng Pinas. Bilang bata na nasanay sa magagandang gamit, nagtaka ako kung bakit kelangang tipirin ang lahat. Bakit ganito na lang ang gamit ko sa school? Bakit pinagalitan ako ng teacher ko dahil recycled notebook ang gamit ko? Bakit tinapon ni teacher ang dala kong bulaklak dahil hindi mamahalin gaya ng dala ng iba. Yun ang first time kong nakaranas ng financial insecurity. Dun ko rin natutuhang magtipid at maging praktikal. Ito ang tinuturing kong pagbangon. Sa halip na maglakwatsa ako, inatupag ko ang pag-aaral ko kasi nangarap ako na balang araw, hindi ko na daranasin ang hirap na to. (Natural meron pang ibang kwento ng kahirapan, hindi ko na lang ishe-share no!)

2. Panay away ni ermat at erpat- Hindi ko na idedetalye pa ang away kasi ang punto ko naman, pag nag-aaway ang magulang, ang anak ang higit na nasasaktan. Dito ko naranasan ang insecurity pagdating sa relationship, be it friendship or romantic relationship. On the lighter note, dito ko rin natutuhang magpahalaga sa value ng relationship kaya nga pag mahal ko ang tao, mahal ko talaga; pag kaibigan ko ang tao, kaibigan hanggang hukay yun. I think my friends can attest to that. My family knows that I’m the type who fight for a loved one. Medyo matagal kong dinamdam ang insecurity na yan sa pag-aaway ng parents ko. Nakabangon naman ako kasi inuunaw ko sila nung kumikita na ako ng sarili kong pera. At sinabi ko sa sarili ko na hindi daranasin ng anak ko ang ganung bangayan ng tatay niya. Parents, don’t fight in front of your kids. Nakaka-trauma yun.

3. Iniwan ako sa ere ng first love ko- Aaaawwww…Hawww sadd naman! Akalain mo yun, akala mo kayo na habang-buhay. Akala mo, sya ang knight-in-shining armor mo. Akala mo, mapaninindigan ka nya. Puro akala..puro akala! Inisip ko na lang na hindi pala sapat ang pagmamahal lang para mag-survive ang relationship. There has to be a LOT of elements in it. Nakabangon naman ako kasi inintindi ko ang sarili ko. Nag-aral ako at nakatapos. Naitaguyod ko ang bunga ng pagmamahalan namin. Ang side effect nga lang nun, yung next relationship ko, pinakaingatan ko ng husto. Nasobrahan ang pag-iingat na yun at dumating din ang punto na game over na sa amin. Pero alam nyo, nakabangon pa rin naman ako. The best na may isang lalaking nagmahal talaga sa akin maging sino man ako (naks! Sharon-Robin!) at smooth-sailing ang married life ko. San ka pa! Ito yung tipong, may pumatid sa yo, sinipa ka pa, tinadyakan pero may isang kamay na nagtayo sa iyo. Hawww nice!

4. Na-outgrown ako ng tropa ko- Hahaha! Nubeh! Isang umaga nagising ako hindi na pala ako part ng social circle ng mga tinuturing kong kaibigan. Ewan ko ba.Super hurt ako that time at hindi ako magpapakaplastik na dumating sa punto na pwede na rin kaming magsolian ng kandila, litrato at pati mga tsismis na pinag-usapan. Naisip ko lang, ganun talaga ang buhay; may darating, may aalis. Para naman akong hindi IE, queieng theory lang yan, may arrival at may departure. Naisip ko lang, ganun lang ba itapon ang mga moments ng chikahan, kwentuhan, palitan ng tsismaks at hingian ng advice? Sa akin siguro, I treated the friendship as something na dapat i-treasure. Baka yun lang din ang value ko sa kanila, kasa-kasama pero hindi kaibigan. Nakabangon naman ako kasi nasubok ko at na-assess sino lang ba ang dapat kong itago sa inventory of friends ko.

5. Hindi ako na-promote- Yuck! Hindi ako na-promote at yung kakumpitensya ko pa ang napromote! Worse, yung mga kosa nya ay against na against sa akin na tipong pwede silang mag-picket pag ako ang na-promote. If there is one person who helped me get through with it, yung ex-bf ko yun. Syempre andun din ang suporta ng pamilya ko. Iyon din naman ang magandang memory ng ex ko, magaling syang mag-motivate pagdating sa career ko. Paano ba ako nakabangon sa incident na yun. Wala lang, naging sport lang ako at pinalipas ko rin ang alingasngas ng mga supporters nya. Ang lesson na natutuhan ko dun ay matutong makiramdam sa takbo ng pulitika sa opisina. Hindi ka pwedeng lumaban kung buong bayan ayaw sa iyo. Hindi pwedeng puro talino kasi may mga taong pwedeng mag-coup d’etat sa iyo. Hindi pa rin naman ako talunan kasi binigyan din ako ng magandang salary increase ng boss namin. Yehey!

O, ikaw? Para kanino ka bumabangon? Kaya mo pa bang bumangon? Kayanin mo!