Boboto Ka Ba?

Nakatanggap ako ng text message mula sa isang kababayan.

“Malaki daw bigayan ngayon, boboto ka ba?”

Boboto daw ba ako? Malaki daw ang bigayan?

Teka, kelan ba ako nakatikim ng malaking lagay? Sa murang edad na 18 noon, 300 pesos lang ang natanggap ko mula sa lider ng isang kandidato. Tuwang-tuwa pa ako noon. Malaking bagay ang 300 pesos sa isang estudyanteng pakainin ng magulang.

Ilan pa kayang gaya ko noon ang nalagyan at sinulat ang pangalan ng kandidatong “naglagay” sa kanya. Sa mura kong edad, namulat ako sa isang lipunan na marumi. A, pwede naman palang bilhin ang pagkatao ko sa halagang 300 piso. Noon yon! Bata pa ako noon. Lahat naman tayo’y natututo sa mga pagkakamali.

Boboto ba ako ngayon dahil malaki ang lagay ng kandidato? A, mahal mamuhunan ang kandidato ngayon. Wala marahil tiwala sa sariling kakayahan. Wala marahil garantya na gusto rin sya ng mga kababayan. Papaano kung sabihin ko sa kanila na “bakit kailangan pa ng lagay eh kayo talaga ang nasa isip ko?” Bibigyan kaya ako ng pabuya dahil sa tuwa nila?

Ano ba meron sa pulitika para bumili ng boto? At paano naman nila babawiin ang ipinuhunang pamimili ng boto? Mahiwaga. Kailangan nila ng paliwanag.