Ang Wistron! Bow!

Nag-iisa ba ako sa libo-libong graduate ng Wistron na madalas nagbabalik-tanaw sa masasaya at minsang malulungkot na nakaraan dito? Isa ba ako sa mga taong nagsasabing, “Okay naman sa Wistron…medyo kulang nga lang sa asenso.”

Maraming masasaya at masasakit na nangyari sa akin sa Wistron. Naroong pinagkaisahan ako ng buong departamento kasi para sa kanila, hindi pa ako hinog sa posisyong FL. Down na down ako noon pero andun naman ang kaibigan kong si Elizabeth at ang then bf ko para suportahan ako. Ambata ko pa noon. Six years later, yung mga taong kumontra sa akin ay sya ring mga taong nagbigay sa akin ng “good luck” noong kailangan ko ng umalis ng Wistron.:)

Mahirap ang unang taon ko sa Wistron. Nagsimula ako sa kitang PhP 7,000 kada buwan. Madalas kong pinagmamalaki ang kitang yun. Dahil dun sa kitang yun, nagpursige akong mag-overtime. Hahaha! At matatag talaga ako sa overtime noong andun pa ako. Naaalala ko, oras na nang kainan, kailangan ko pang pumili sa ATM pag payday kasi wala na akong pangkain. Salamat sa mga tulad ni Irene at Christian na nagpapautang sa then bf ko! Hehehe….

Masaya sa Wistron kasi puro kayo bata. Puro kayo entry-level. Puro kayo nagsisimula. Yun nga lang, pag dalawa o tatlong taon ka na, yung mga kasabayan mo din ang magiging mahigpit mong katunggali sa promotion. Masaya ako kung ano ang narating ko sa Wistron. Masaya ako kahit umalis akong X4. Ayos naman ang increase sa akin, hindi naman ako kinawawa. Maswerte pa rin at may among nagtiwala.

Minsan, uuwi ako ng 2AM pag pilot run. Makiki-hitch lang ako sa mga dumaraang sasakyan from Wistron to main gate ng SBMA. Ayaw naman kasi akong isabay ng mga may sasakyan. Ewan kung natural na ayaw lang sa akin o may mga selosang misis o gf. Sa sasakyan, andun ang kaba ko na baka pagsamantalahan ako ng na-hitch ko. Pero nananaig ang adventurous spirit ko na “kaya ko to pag lumoko-loko ka!”

May mga great crushes ako sa Wistron na hindi nabigyan ng pagkakataong mahalukay. Faithful kasi ako sa then bf ko at ayokong may masabi syang masama laban sa akin. Yung mga great crushes ko na yun ang pampasaya ng araw ko. Hindi nga lang nila alam na sumaya ako dahil sa kanila. Meron pang isa na akala ko serious na. Yun yung time na ready na akong tapusin ang relasyon namin ng then bf ko. Pero isang linggong pag-ibig lang pala ang kanya. Sa di malamang dahilan, bigla syang nanlamig, umiwas. Masakit nung time na yun pero naisip ko, “aba, siguro talagang kami ng bf ko!”

Nami-miss ko ang simoy Subic. Nami-miss ko ang ingay ng mga operator. Nami-miss ko ang mga dating kasama ko. Nami-miss ko ang glamour ng pilot run. Nami-miss ko pati boss kong naninigaw. Nami-miss ko ang lahat sa Wistron. Nami-miss kong maging si “Meatball” ulit dahil dito sa company namin, hindi ako pwedeng maging si Meatball. Nami-miss ko ang nanay ko na dadaan sa Wistron para lang kumustahin ako. Nami-miss ko ang lahat. 🙂