Darna Episode 1

Episode 1: August 10

Pinakita ang magkaibigang hirap magkaroon ng anak; sila Consuelo na ginampanan ni Janice De Belen at ang karakter ni Rita Avila. Habang tapat at mahal na mahal ng karakter ni Jestoni Alarcon ang asawa (Rita Avila), si Hector (John Apacible) naman ay nalululong sa pambabae kung kaya’t madalas malungkot si Consuelo.

Pinakita din ang pinagmulan ng batong balang araw ay magpapa-“Darna” kay Narda (Marian Rivera). Ito pala ay pag-aari ng naunang Darna na ginampanan ni Angel Aquino. Siya din ang magbibigay ng bato kay Rita Avila kasabay ng prediksyong di magtatagal ay magkakaroon siya ng anak. Bagama’t baog, nagluwal nga ng sanggol na babae si Rita. Kasabay ito ng pagluluwal ng sanggol na babae ni Consuelo na walang malay sa tunay na katauhan ng iluluwal.

Ang batang niluwal ni Rita ay siyang magiging Darna sa pagdaan ng panahon habang ang batang iluluwal ni Consuelo ang magiging matalik na kaibigan at malupit na kaaway ni Darna.

Gimbal ang mag-asawang Hector at Consuelo sa hitsura ng sanggol. May mga ahas sa ulo nito. Hindi matandaan ni Consuelo na siya ay pinagsamantalahan ni Cobra, ang hari ng mga ahas, noong siya’y nagpunta sa kweba upang humiling. Dala ng pagkabigla, naisipan ni Hector na sunugin ang kubo at magpakalayo-layo kapiling ang mag-ina. Ngunit di rin magtatagal at di nya matatanggap ang pagkatao ng inakalang anak kaya babalik sya sa masamang bisyo. Dahil dito, lalong kamumuhian ni Consuelo ang bata.