Torotot

Apat ang pangunahing bida sa pelikulang ito: sila Maui Taylor at Baron Geisler na gumanap bilang mag-asawa at sila Precious Adona at Yul Servo bilang mag-asawa din.

Umikot ang pelikula sa temang pangangaliwa. Sa umpisa pa lang, makikita ang pagiging liberal sa sekswalidad ng apat na bida. Halimbawa’y ang pagpayag ni Rita (Precious Adona) na halikan ng kanyang asawa (Yul Servo) si Marie (Maui Taylor) dahil sa nalaglag ang barahang pinapasa nito sa larong pass-the-card. May eksena ring habang sinasamahan nya si Marie sa banyo upang sumuka ay tinanong nya kung masarap bang humalik ang asawa nya. Hindi pala nya nararanasang halikan ng asawa at makikita sa pelikulang may emotional gap sila ni Yul. May pagkakataon ding pinakitang workaholic si Yul at naapektuhan ang sex life nilang mag-asawa.

Kaibigan ng mag-asawa sila Marie at Baron. Sa umpisang bahagi ng pelikula, niyayaya ni Baron si Marie na mag-quickie at ihinto ang pagmamaneho. Sarkastiko si Maui sa kahilingan ng asawa. Maging sa pag-uwi sa bahay, mas buhos pa ang atensyon nito sa mga alagang aso. Isang beterinarya si Maui samantalang si Baron ay ni walang amor sa mga hayup. Nagtataka si Baron sa panlalamig ng asawa. Para na syang baliw kakasunod kay Marie lalo na nang magsabi itong gusto nya nang makipaghiwalay. May kutob syang may kalaguyo ang asawa, ang pet trainer nito.

Isang banidoso si Baron at may malaking pagpapahalaga sa self-image. Naglihim sya ng pangangaliwa kay Marie na di naman sinasadyang natuklasan ng huli. Doon na nagrebelde si Marie ngunit ang pagkakamali nya lang, hindi man lang nya kinumprunta ang asawa hinggil sa natuklasang babae nito. Ang babaeng naanakan ngunit nagpalaglag ay miyembro ng isang Christian fellowship. Masasabi kayang “The spirit is willing but the body is weak?” Sa huli, malalamang nagrebelde nga si Marie at nakipagrelasyon sa kanyang pet trainer. Sa isang eksena kung saan humihingi ng despensa si Marie sa pet trainer dahil sa abalang nagawa nya sa pakikipagrelasyon, nauwi sila sa pagtatalik na syang nahuli ni Baron. Caught in the act, napatay ni Baron ang asawa.

Nakulong si Baron at nahati ang opinyon ng mag-asawang Rita at Yul. Kampi si Rita kay Marie samantalang si Yul, kay Baron. Lalo pang tumindi ang emotional gap ng mag-asawa dahil dito. Sa biglaang pagkakataon, nagkaroon ng ibang dibersyon ang bored housewife na si Marie sa pamamagitan ng pagsama sa Christian fellowship. Doon nya nakita muli ang mataderong pinapantasya ngunit ito pala’y may asawang imbalido. Nagkaroon ng relasyon ang dalawa at nagtaka si Yul sa biglang pagiging sobrang “relihiyosa” ng asawa.

Sa huli, malalamang may relasyon nga si Rita at ang matadero. Hiniram ni Yul ang baril ng nakalayang kaibigan na si Baron at tinangkang patayin ang asawa kung mahuhuli sa akto. Sa batas, makakasuhan lamang sya ng destierro kung mapatunayang napatay nya lang ang asawa dala ng matinding galit kung nahuli sa aktong pakikipagtalik sa iba.

Nahuli nga nya ang asawa ngunit wala naman syang lakas ng loob na patayin. Ang bayaw ng matadero ang nakakita sa ginawang pagtatalik ng dalawa sa bahay habang nagdaraos sila ng Christian fellowship. Nakulong si Rita sa salang adultery at hindi mapatawad ang sarili sa ginawang malaking kahihiyan sa asawa at pamilya.

Tama nga na isa itong trahedya. Para sa akin, kung nagkaroon ng tamang komunikasyon sa pagitan ng mag-asawa, hindi hahantong sa pagkamatay ni Marie o pagkakakulong ni Rita ang istorya. Una, walang magagawa ang paninisi at galit ni Marie kay Baron kung nakabuntis man ito. Inisip lang ni Baron na si Marie ang unang nagtaksil. Maaaring malikot sa babae si Baron at kahit kumprontahin sya ni Marie ay balewala lang. Pero makikita sa istoryang mahal na mahal ni Baron si Marie kaya kahit na gawin nya ang pagkumpronta, makikinig at aamin si Baron sa ginawang pangangaliwa.

Kung nasabi rin ni Rita ang hinaing nya sa asawang workaholic, malamang hindi sya nahumaling sa matadero. Ginawa pa nyang palusot ang fellowship na talaga namang nangyayari din sa totoong buhay dahil may mga taong gagamitin pati simbahan makagawa lang ng kasalanan. Malinaw na wala silang intimacy ni Yul.

Pinakita din ang bonding ng dalawang magkaibigan: sila Marie at Rita at sila Baron at Yul. Normal sa kulturang Pinoy ang dumaraing sa kaibigan kahit sa pinaka-personal pang problema. May mali din ang pagdaing sa kaibigan dahil hindi naman alam ng kaibigan natin ang nangyayari sa buhay natin at hindi naman sila kasama sa 24 oras. May mga problemang naihihinga sa kaibigan pero magandang piliin lamang ang dapat sabihin dahil may mga opinyon silang makaaapekto sa ating pag-iisip

Sa kabuuan, maganda ang pelikula at magagaling ang apat na bida.