Di Ako Mama Material

I found this link  on the net. (http://www.peyups.com/article.khtml?sid=3342)    It’s very funny and entertaining so I’m making my own version of it. This is just a fiction.

Tinext ako ng kaibigan ko at tinanong kung sino ang gwapong kasama ko kahapon. Inisip-isip ko pa kung sino nga ba ang kasama ko sa Megamall dahil dalawa sa kaibigan ko ang nagpasama sa akin pagkatapos ng trabaho. Natawa na lang ako dahil hindi ko akalaing big issue pala ang makasama ko ang isang gwapo! Either nagtataka sya kung bakit ako pinatulan o namangha lang sya sa tindig at porma ng mala-atleta kong kasama.

Papaano namang mapagkakamalang kami eh anlaki ng agwat ng hitsura pa lang namin? Nang ipanganak yata ako ay kinulang ako sa tamang sukat at naudlot na ang taas ko sa 5’2 kung ikukumpara sa mga mala-modelong taas ng mga pinsan kong babae. Ang kutis kong namumula-naninilaw na di maarok kung ano ba talaga ay hindi naman kakinisan. Salamat na lamang at nauso na si Belo at Calayan. Ang buhok kong itim ay kailangan pang daanin sa rebond para lang magkaporma. Dadaigin ng bangs ko ang kay Betty La Fea! Naku, self-pity na ba ito? Eh, sa di nga ako mama material, noh!

Sinamahan ko si Craig para sa i-meet ang kaibigan kong type na type daw nya. Sa malas naman ay inindyan sya ng babaeng mama material talaga! Hay, wala akong binatbat pag katabi ko si Cristina! Matangkad, slim, maputi, may ngipin na tuwid at di sungki at napakagandang mukha! Si Cristina na yata ang pinakamaganda sa buong kumpanya!

Sa totoo lang, pantasya ko si Craig na maging papa dati. At ang akala ko’y may pag-asa ako sa kanya. Malay ko ba namang ang every afternoon call pala nya sa akin ay isang estratehiya lang para makuha ang loob ko at mailakad sya kay Cristina. Lokong yun, user! Saan ka ba naman di magkakatipo kay Craig? Sa taas nyang 6’2, sa porma ng katawan at mukha, aba’y lahat mapapalingon at bubulong ng “Nagustuhan sya nun?”

Nakita kong uneasy si Craig sa atensyon. Di na nya ako madispatsa lalo’t wala naman si Cristina. Nagyayang kumain ng pizza na tinanggihan ko naman. Aba, alam ko namang kinahihiya nya ang aking presensya! Mabuti’t sumunod sa mall si Alex na aking barkada.

Nagpaalam na ako kay Craig at kay Alex na sumama. Wala na namang magawa ang Alex kundi mang-alaska.

“Di ka pinansin ni Craig, no?” natatawa nyang sabi.

Sa huli naisip ko, may mga lalaking ang metric ng ideal girl ay yung panalo ang katawan, porma at mukha. Isa na si Craig dun. Hindi ko naman minamasama na ganun ang tipo nya. Naisip ko lang na dapat akong lumagay sa dapat kong kalagyan. Sa isang di mama material na gaya ko, utak at pakikipagkaibigan ang pwede kong i-offer. Gaya ng pagsagot ko sa assignment ng college classmate ko sa Calculus o ang pagiging tulay ko sa mga magaganda kong officemates ngayon. Hay naku, darating din ang araw na magiging uso ang plain looks! Isa lang akong mortal, hindi diyosang gaya ni Cristina!